• April 24, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

DOH: Presyo ng gamot posibleng tumaas

AMINADO si Department of Health (DOH) Secretary Teodoro Herbosa na nangangamba sila na kung magpapatuloy ang giyera sa Middle East ay maaapektuhan din nito maging ang suplay at presyo ng medisina, gayundin ang halaga ng pagpapagamot sa bansa.

“Ang fear namin… ay magmamahal ang gamot, magmamahal ang hospitalization, kawawa ang ating kababayan. Hindi lang yun, baka magka-shortage,” ani Herbosa.
Kaugnay nito, tiniyak ni Herbosa na masusi nang minomonitor ng pamahalaan ang sitwasyon at gumagawa ng mga pamamaraan upang maiwasan ang posibleng pagkakaroon ng hadlang sa paghahatid ng imported medicines at medical supplies sa bansa.

Binigyang-diin din niya ang kahalagahan ng maagang pag-aksiyon upang maiwasan ang mas malaking krisis.

“Pinapagawan ko ng emergency planning at pinapa-inventory ko ang mga gamot, tsaka mga supplies kasi kapag nagkagulo sa Middle East baka hindi umabot dito ang mga kailangan nating next delivery ng gamot or kung umabot man baka kagaya ng gasolina na napakamahal,” aniya pa.