DOH nakaalerto sa bird flu na naililipat sa tao
- Published on February 24, 2021
- by @peoplesbalita
Nakaalerto ngayon ang Department of Health (DOH) kasama ang Bureau of Quarantine (BOQ) at Department of Agriculture (DA) sa bagong uri ng H5N8 avian flu na naiulat na naipapasa sa tao.
Sinabi ni Health Secretary Francisco Duque III na kabilang sa mga sintomas ng sakit ay lagnat, ubo, pananakit ng lalamunan, pananakit o pamamanhid ng kalamnan, gayundin ang pagduduwal, pananakit ng tiyan, pagtatae at pagsusuka, sa ilang kaso.
Unang ipinaalam ng Russia sa World Health Organization (WHO) ang transmisyon ng naturang strain sa tao.
Ito ay makaraan na natukoy sa pitong manggagawa sa isang poultry farm sa southern Russia ngunit wala naman silang naranasang anumang seryosong epekto sa kanilang kalusugan.
Dahil dito, maigting na binabantayan ng BOQ ang mga border ng bansa habang hinigpitan na rin ng DA ang surveillance sa mga manok na pumapasok sa bansa.