DOH, DOT kailangan na makahanap ng middle ground ukol sa face mask policy- Malakanyang
- Published on September 9, 2022
- by @peoplesbalita
SERYOSONG kinokonsidera ng Pilipinas ang panukalang pagaanin at luwagan ang mandatory face mask policy sa bansa.
Ito’y kasunod ng data na nagpapakita na ang pagpapagaan sa requirement ay makapagpapalakas sa turismo.
Sa press briefing, sinabi ni Press Secretary Trixie Cruz-Angeles na nagkaroon ng kompromiso ang Departments of Health (DOH) at Tourism (DOT) ukol sa pagpapagaan at pagpapaluwag sa mask requirement.
Tinukoy ang data mula sa DOT, sinabi ni Cruz-Angeles na may ilang bahagi sa mundo ang nagluwag na ng face mask rules dahilan upang makita ang pagtaas ng tourist arrivals.
“Nagprisinta ang DOT na in certain states na nagluwag na tungkol sa face mask, tumataas ang tourism nila,” ayon kay Cruz-Angeles.
“Gawa nga ng front and center ang ating turismo sa pagbangon ng ekonomiya , this matter is being taken seriously,” dagdag na pahayag nito.
Iyon nga lamang, sinabi ni Cruz-Angeles na may “major say” pa rin ang DOH sa kapalaran ng mandatory face mask policy.
“Kailangan magkatugma ‘yung ating DOH at ang ating DOT and other agencies bago tayo mag-revise ng ating mask policy,” dagdag na pahayag nito. (Daris Jose)