DOE, pinangunahan ang pagrerepaso sa nuclear laws
- Published on August 16, 2025
- by @peoplesbalita
SINIMULAN na ng Nuclear Energy Program-Inter-Agency Committee (NEP-IAC) ng gobyerno ang masusing pagrepaso sa umiiral na ‘nuclear laws, regulations and policies’ para ihanay sa layuning i-diversify ang energy mix ng bansa para sa higit na seguridad at mas malinis na power generation.
Ang pagrerebisa ay nagsimula noong Aug. 12 at magtatapos ngayong araw ng Biyernes, Agosto 15,
ayon sa Department of Energy (DOE).
Sa katunayan, pinulong ng NEP-IAC’s Subcommittee 3 ang iba’t ibang ahensiya ng gobyerno at stakeholders para suriin ang kasalukuyang legal frameworks at tukuyin ang susog o pagbabago o mga pagpapahusay na kinakailangan para suportahan ang ligtas, secure at napapanatiling paggamit ng modern nuclear technology sa bansa.
“We want to make sure that all legal hurdles are cleared before we take major steps forward in fulfilling our nuclear power objectives. From the review of the laws and issuances, we will propose enactment or amendment of laws as appropriate,” ang sinabi ni DOE Legal Services Director Myra Fiera Roa.
Ikinasa ang inisyatiba habang kinokonsidera ng gobyerno ang nuclear power na kabilang sa maaaring opsyon para tugunan ang mga hamon sa ‘energy supply, at security and environmental sustainability.’
Buwan ng Hunyo, niratipikahan ng Kongreso ang Philippine National Nuclear Energy Safety Act, lumikha ng Philippine Atomic Energy Regulatory Authority (PhilATOM), isang independent body na inatasan na pangasiwaan ang lahat ng aspeto ng nuclear energy infrastructure — mula sa lokasyon at konstruksyon hanggang sa paglilisensya, kaligtasan at operasyon.
( Daris Jose)