Dizon, pinagpapaliwanag ang Davao RD at Davao Occidental DE sa nakitang P96.5-M ‘ghost’ flood control project
- Published on September 29, 2025
- by @peoplesbalita
NAGLABAS ng magkahiwalay na Show-Cause Order si Department of Public Works and Highways Secretary Vince Dizon upang pagpaliwanagin ang Regional Director ng DPWH Regional Office XI at ang District Engineer ng Davao Occidental District Engineering Office.
Kaugnay ito sa P96.5-milyong Culaman Bridge Flood Control Project sa Jose Abad Santos, Davao Occidental—proyektong nabayaran noong 2022 ngunit hanggang ngayon ay hindi pa rin tapos.
Inilabas ni Dizon ang mga show-cause order para kay DPWH-Davao Regional Director Juby Cordon at Davao Occidental District Engineer Rodrigo Larete matapos ang kamakailang inspeksyon sa flood control projects.
Sa kanilang inspeksyon noong Huwebes, natuklasan nina Dizon at dating Independent Commission for Infrastructure (ICI) special adviser Baguio City Mayor Benjamin Magalong na ang proyekto ay nagsimulang itayo lamang tatlong linggo na ang nakalipas, sa kabila ng pagkadeklara nitong tapos na at ganap nang nabayaran noong 2022.
Ang proyekto ay ipinagkaloob sa St. Timothy Construction Company, na pag-aari ng mag-asawang kontratista na sina Sarah at Curlee Discaya, na parehong kasalukuyang iniimbestigahan dahil sa pagkakasangkot sa umano’y korapsyon sa mga flood control projects.
Inutusan ni Dizon si Cordon na magsumite ng written explanation under oath sa loob ng limang araw kung bakit hindi siya dapat panagutin sa administratibong pananagutan dahil sa posibleng paglabag sa umiiral na mga batas, regulasyon, at kautusan.