Distribusyon ng P1.7b halaga ng educational aid, matagumpay; ekstensyon, malabo
- Published on September 30, 2022
- by @peoplesbalita
NAGING matagumpay ang distribusyon ng P1.7 bilyong halaga ng educational aid sa 713,916 benepisaryo.
“Yung ating educational assistance, una nakakatuwa po dahil kahit papaano po ay talagang naging successful po ‘yung anim na Sabado na pamamahagi natin ng ating educational assistance,” ayon Department of Social Welfare and Development (DSWD) spokesperson Rommel Lopez.
“Ang atin pong napamahagi na ay P1.7 billion na po. ‘Yung atin pong naabot ng ating programang ito ng ating educational assistance ay umabot na po sa 713,916 students o beneficiaries,” dagdag na wika ni Lopez.
Malabo naman na palawigin pa ng departamento ang pamamahagi ng tulong sa ilalim ng programa.
Ang katwiran ni Lopez, naubos na ng DSWD ang lahat ng inilaang pondo at gumamit na rin ito ng karagdagang budget.
Sa katunayan nga aniya ay una nang naglaan ang DSWD ng P1.5 bilyong piso para sa educational assistance program.
Ngunit, sinabi ni DSWD Secretary Erwin Tulfo na mangangailangan pa sila ng karagdagang P200 milyong piso hanggang P300 milyong piso para muling buksan ang educational assistance program para sa mga indigent students.
Ayon sa Kalihim, hindi sapat ang P1.5-billion budget lalo pa’t umabot sa 2 milyon ang bilang ng mga estudyante na nagpa-rehistro para makasama sa programa.
Unang tinarget ng DSWD na makapagbigay ng tulong sa 400,000 estudyante lamang sa buong bansa.
Sa ilalim ng programa, hanggang tatlong estudyante kada indigent family ang makatatanggap ng P1,000 para sa mga elementary students; P2,000 para sa high school students; P3,000 para sa senior high school students, at P4,000 para sa college students o vocational courses. (Daris Jose)