Disqualification vs mga Tulfo, ibinasura ng Comelec
- Published on March 6, 2025
- by Peoples Balita
IBINASURA na ng Commission on Elections (Comelec) ang disqualification case na inihain laban sa ilang miyembro ng pamilya Tulfo, na kumakandidato sa nalalapit na 2025 National and Local Elections, sa pangunguna ng senatorial candidates na sina ACT CIS party list Rep. Erwin Tulfo at broadcaster na si Ben Tulfo.
Ang kautusan ay inilabas ng Comelec First Division, na siyang humawak ng petisyon.
Nagdesisyon umano ang Comelec First Division na ibasura ang petisyon dahil sa pagiging ‘insufficient in form’ nito.
Nabigo rin ang petitioner na magbigay ng kopya ng certificates of candidacy (COCs) ng mga respondents, na mahalaga anito upang maayos na maberipika ang mga kinakailangang impormasyon sa petisyon.
Sa kanyang petisyon, sinabi ng petitioner na si Virgilio Garcia na ang mga respondents ay dapat na idiskuwalipika dahil sa pagiging miyembro ng isang political dynasty.
Sinabi naman ni Comelec Chairman George Erwin Garcia na maaari pa ring maghain ang petitioner ng motion for reconsideration.
Bukod kina Cong. Erwin at Ben Tulfo, respondents din sa petisyon ang isa pa nilang kapatid na si Turismo party-list nominee Wanda Tulfo-Teo; ACT-CIS Rep. Jocelyn Pua-Tulfo, na asawa ni Sen. Raffy Tulfo; at si QC 2nd District Rep. Ralph Wendel Tulfo, na anak naman nina Sen. Raffy at Rep. Jocelyn. (Daris Jose)