Disaster relief operations, pinasimulan para sa mga lugar na naapektuhan ng bagyo
- Published on July 22, 2025
- by @peoplesbalita
BILANG tugon sa direktiba ni Pangulong Bongbong Marcos, pinasimulan ni Leyte Rep. Ferdinand Martin Romualdez kasama ang Tingog Party-list ang disaster monitoring at relief efforts para tulungan ang mga lugar na naapektuhan ng bagyong Crising at pag-uulan dala ng southwest monsoon (Habagat).
“Hindi tayo maaaring manahimik habang lumulubog ang mga komunidad at nangangamba ang ating mga kababayan. Public service doesn’t stop when Congress is out of session. Ngayon mismo, dapat tayong kumilos,” ani Romualdez.
Ayon sa mambabatas, batid niya ang nararanasan ng mga lugar na naapektuhan ng bagyo at habagat dala na rin sa naging karanasan nito ng tamaan ng kalamidad ang probinsiya ng ng tamaan ng bagyong Yolanda.
“Kaya ramdam ko ang bigat na dinaranas ng mga pamilya ngayon. Sa oras ng sakuna, hindi dapat nag-iisa ang sinuman. My staff and Tingog Party-list are reaching out to House Members whose districts are overwhelmed,” pahayag nito,
Muling binuksan ng kanyang congressional office at Tingog Party-list ang Relief Coordination Desk, na nagsilbing lifeline sa mga mambabatas noong panahon ng bagyo at COVID-19 pandemic.
Ang naturang team ay magsisilbing one-stop hub para sa urgent requests at field coordination.
Umapela rin ito sa publiko na magbigay tulong sa anumang pamamaraan.
“Kahit hindi ka kongresista, kahit hindi ka opisyal—lahat tayo may papel sa pagtulong, kasama
ang pagdarasal para sa kaligtasan ng mga nasalanta,” pagtatapos ni Romualdez. (Vina de Guzman)