• September 23, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Dinadamayan sa kanyang pangangampanya: JIMMY, binabantayan ng asawa sa mga sinasabi ‘pag umiinit na ang ulo

MAY katuwang si Jimmy Bondoc sa kanyang pangangampanya, walang iba kundi ang misis niya.
Ikinasal ang singer at Senatorial candidate na si Atty. Jimmy sa kapwa niya abogado at longtime girlfriend na si Isabel Torrijos noong February 2 ng taong kasalukuyan
Kaya tinanong namin si Jimmy kung kumusta o ano ang pagkakaiba na mangampanya ngayong may misis na siya.
“Una sa lahat nagpapasalamat po ako sa mga showbiz reporters, and of course yung sa mainstream media, salamat po sa inyo kasi kung wala kayo walang ganyang tanong,” at tumawa si Atty. Jimmy.
“Wala naman pong pinagkaiba, yung pagkampanya ko na may kasama akong asawa na kahit papaano dinadamayan ako sa paghihirap, ganun, may nagbabantay sa sinasabi ko kapag masyadong umiinit ang ulo ko.
“Tsaka at least meron, alam niyo ang tawag sa kanya kasi, First Lady, ng mga kaibigan ko, e dati hindi ko naman iniisip yung role ng First Lady, pero napakalaking role din pala.
“Because she is also like a representative, pinalalambot niya po yung ating mga statement kapag medyo umiinit ang ulo ko sa mga kawalanghiyaan na ginagawa ng ibang tao sa atin.
“So, I really think it is a grace of God talaga yung a good partner.”
Paano nakakapag-adjust ang misis niya sa kampanya?
“Wala, normal naman she’s a trooper ‘ika nga ‘no.
“Alam mo kaya ko nga pinakasalan baka kasi makawala pa!
“Hindi… totoo kasi nga bihira… I’ve been in many relationships and it’s nothing against them pero ito po yung pang-unawa po napakalawak.
“Isipin mo unawain mo ang isang Jimmy Bondoc,” at muling tumawa si Atty. Jimmy, “napakalawak po ng pang-unawa niya.”
Ang honeymoon raw nila ay pagkatapos na ng eleksyon sa May 12, at nagkataong 50th birthday rin ni Atty. Jimmy sa May 31 kaya malamang raw magkaroon siya ng isang malaking party at ang honeymoon naman nila ay sa isang lugar raw na wala munang pulitika.
(ROMMEL L. GONZALES)