DILG sa mga tauhan: Pagtanggap ng regalo, solicitation bawal
- Published on July 30, 2026
- by Francis Paolo Torres
PINAALALAHANAN ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang lahat ng mga opisyal at mga empleyado ng ahensiya na ipinagbabawal ng batas at may katapat na parusa ang pagtanggap ng regalo, pabor o pasasalamat o iba pang may monetary value habang tinutupad ang tungkulin.
Ito ay nakasaad sa ipinalabas na memorandum ng DILG nang makatanggap ng report na may ilang tauhan ang gumagamit ng kanilang puwesto para makapag-solicit ng pera, regalo at iba pa mula sa mga pribadong indibidwal, national government agencies at local government units (LGUs).
Binigyang diin ng DILG na alinsunod sa Section 7 of Republic Act (RA) No. 6713, o ang Code of Conduct and Ethical Standards for Public Officials and Employees bawal sa public officials at empleyado na mag-solicit, manghingi at tumanggap ng anumang regalo, gratuity, favor, entertainment, loan o anumang monetary value habang nasa tungkulin o may kinalaman sa anumang transaksyon na apektado ang tungkulin sa opisina.
Niliwanag ng DILG na ang sinumang mapapatunayang magkakasala rito ay maaaring madismis sa trabaho at makasuhan.