• March 7, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

DILG gusto mailagay buong Pilipinas sa Alert Level 1

IMINUMUNGKAHI  ngayon ng Department of the Interior and Local Goverment (DILG) na ilagay sa pinakamaluwag na COVID-19 restrictions ang Pilipinas para lalong makabawi ang ekonomiya sa epekto ng lagpas dalawang taong pandemya.

 

 

Marso 2020 pa nang magsimulang magpatupad ng mga restrictions ang gobyerno sa pamamagitan ng iba’t ibang lockdowns at limitasyon sa mga establisyamento — bagay na nagbunsod ng nagtataasang unemployment at hunger rate nitong mga nagdaang taon. Hanggang ngayon, Alert Level 2 pa ang ilang lugar.

 

 

“Ang layunin talaga natin dito, buong Pilipinas mag-Alert Level 1 kasi marami pa ring naiiwan na mga probinsya at mga municipalities na under Alert Level 2, eh hindi natin ma-maximize ‘yung ating economic growth natin,” ayon kay Interior Secretary Eduardo Año, Lunes, sa panayam ng TeleRadyo.

 

 

“‘Yan ang ating adhikain, dapat buong Pilipinas under Alert Level 1 para talagang halos ang ating restriction na lang ay ang minimum public health standards, at ang mga iba’t ibang bayan ay umunlad at talagang maka-take off na.”

 

 

Kasalukuyang nakalagay sa Alert Level 1 ang Metro Manila at 200 iba pang mga lugar hanggang ika-15 ng Abril. Sa ilalim nito, 100% na ang pwedeng capacity sa mga establisyamento basta’t nakasuot ng face mask at sumusunod sa health protocols.