• March 12, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

DICT, pinalakas ang 1326 hotline para labanan ang scams, fake news

PINAIGTING ng Department of Information and Communications Technology (DICT) ang pagsisikap nito na protektahan ang mga Filipino mula sa online scams, fake news at cybercrime sa pamamagitan ng pinalakas na hotline 1326, isang dedikadong digital complaints channel ng gobyerno.
Sa isang panayam, sinabi ni DICT Assistant Secretary Renato Paraiso na pinalawak ng departamento ang kapasidad ng hotline para humawak ng mas marami pang reports, at makapagbigay ng mas mabilis na feedback mechanism at mas malinaw na tulong sa mga Filipino sa buong bansa.
“Palalakasin natin itong hotline 1326, magkakaroon ho tayo ng mas malakawang response mechanism at feedback mechanism. Iyon ang importante eh,” ayon kay Paraiso.
Aniya, karaniwang nag-aatubili ang mga tao na mag-report na sila ay na-scam, dahil sila ay nahihiya o dahil sa wala silang tiwala sa gobyerno.
“May magagawa tayo. Ngayon papatunayan natin iyan, kapag nag-report kayo, kami mismo ang tatawag ulit sa inyo para sabihin ano na ang status ng kaso ninyo, ano na iyong progress ng kaso ninyo, may kailangan pa ba kami sa inyo. So hanggang — iyon talagang balak natin attribution, apprehension, prosecution, conviction. Hanggang doon ho ang gusto natin gawin,” ang sinabi ni Paraiso.
Ang paliwanag pa nito, ang hotline 1326 ay ang ‘first line’ ng depensa para sa mga mamamayan na naka- encounter ng scams, phishing attempts o fake social media posts.
Samantala, maliban sa pagtanggap ng tawag, isasama rin ng DICT ang hotline 1326 sa digital eGov application at eReport system, pahihintulutan ang mga filipino na magreport via phone, online forms o messaging apps — ang lahat ng link sa isang centralized database para sa mas mabilis na aksyon ng gobyerno.
Binigyang diin ni Paraiso na ang layunin nito ay makapagbigay ng ‘seamless, multi-channel reporting system’ para mapahinto ang scam misinformation sa bawat filipino.
Sa kabilang dako, makakatuwang ng DICT ang Presidential Communications Office (PCO) pagdating sa fact-checking para mapigilan ang paglaganap ng fake news.
“Ito naman ang maganda, iyong partnership ho ng DICT, ni Secretary Henry Aguda at ni [PCO] Secretary Jay Ruiz. Napag-usapan ho namin na ang PCO ho ang mangangasiwa pagdating sa fact-checking,” aniya pa rin.
“The discussion was baka hindi akma or hindi tama na ang gobyerno mismo ang mag-fact-check pero dapat mayroong sistema ng oversight. Kumbaga government will be the fact-checkers of the fact-checker. So, iyon ang pinag-aaralan nating sistema,” dagdag na pahayag ni Paraiso.
Samantala, sa pamamagitan ng kolaborasyon, tutukuyin ng PCO kung ano ang fake news at doon pa lamang gagawa ng aksyon ang DICT sa pamamagitan ng Cybercrime Investigation and Coordinating Center, para mapanagot ang mga salarin.
(Daris Jose)