DHSUD, SHFC AGARANG IPATUTUPAD ANG COMMUNITY MORTGAGE PROGRAM
- Published on July 21, 2025
- by @peoplesbalita
ALINSUNOD sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na magpatupad ng mga programang nakatuon sa kapakanan ng mamamayan, ipinapatupad ng Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD) at Social Housing Finance Corporation (SHFC) ang Community Mortgage Program (CMP) sa buong bansa.
Inaprubahan ni DHSUD Secretary Jose Ramon Aliling ang mungkahi ni SHFC President Federico Laxa na muling buhayin ang 34 on-site CMP projects sa iba’t-ibang panig ng Pilipinas.
Tinatayang 5,000 benepisyaryo ang makikinabang sa mga proyektong ito.
Ayon kay Secretary Aliling, ang pagpapatupad ng CMP ay magpapalakas sa Expanded Pambansang Pabahay para sa Pilipino (4PH) Program.
Target na maipamahagi ang mga lote sa Oktubre. Maaari itong palawigin sa incremental housing kung saan makakagawa ng mga pagpapabuti sa tahanan ang mga benepisyaryo sa tulong ng gobyerno.
Layunin nito na gawing mas transformative ang mga CMP site kasama ang mga aspeto ng community development.
Matatandaang pansamantalang itinigil ang CMP nang simulan ang 4PH Program na nakatuon sa vertical housing.
Ngayong ibinalik ito, binibigyang halaga muli ang on-site at community-based na mga solusyon sa pabahay. (PAUL JOHN REYES)