• April 8, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

DHSUD, PINAIGTING ANG PAKIKIPAG-UGNAYAN SA IBA’T IBANG STAKEHOLDERS PARA SA PABAHAY

PINAIGTING ng Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD) ang pakikipag-ugnayan sa iba’t-ibang stakeholders upang maiayon ang mga patakarang pangpabahay ng pamahalaan sa pangangailangan ng sektor.
Pinangunahan ni DHSUD Assistant Secretary Frank Lloyd Gonzaga, na kumatawan kay Secretary Jose Ramon Aliling, ang pagpupulong kasama ang Technical Working Group (TWG) para sa Price Ceiling Adjustment ng mga Socialized Housing Developments.
Ang pag-uusap ay nakatuon sa pagsusuri at pagsasaayos ng mga polisiya kaugnay sa pagpepresyo ng socialized housing projects sa buong bansa.
Layunin ng inisyatiba na mapanatiling makatarungan, praktikal at tumutugon ang mga price ceiling at patakaran sa tunay na pangangailangan ng mga pamilyang Pilipino habang binabalanse ang affordability para sa mga mamimili at sustainability para sa mga developer at katuwang na ahensya.
Hindi lang ito usapin ng numero kundi ng katarungan. Ang kasiguraduhang walang Pilipinong maiiwan habang isinusulong natin ang mas progresibong Bagong Pilipinas sa pamamagitan ng Expanded 4PH,” ayon kay Secretary Aliling.
Bahagi ng mas malawak na pagsisikap ang pagsusuring ito sa ilalim ng Expanded Pambansang Pabahay para sa Pilipino (4PH) Program ni Pangulong Marcos Jr., na sa ngayon ay kinabibilangan ng mga horizontal developments o mga subdibisyong pabahay, pati na rin ang iba pang uri ng pabahay upang mas matugunan ang mga pangangailangan ng mga mamamayan.
Kaugnay rin nito, ang pag-uusap ay bahagi ng 8-Point Agenda ni Secretary Aliling na nagsusulong ng mga patakarang pangpabahay na akma sa mga layunin ng Sustainable Development Goals (SDGs) ng bansa.
Kabilang sa TWG ang mga opisyal ng DHSUD at mga kinatawan mula sa Subdivision and Housing Developers Association, Inc. (SHDA), National Real Estate Association, Inc. (NREA), Chamber of Real Estate and Builders’ Associations (CREBA) at Organization of Socialized and Economic Housing Developers of the Philippines, Inc. (OSHDP)
Nilalayon ng grupo na matapos ang mga rekomendasyon bago ang Oktubre 2025 para sa planong pagbabago sa Joint Memorandum Circular No. 2023-003 na ipinalabas noong Oktubre 19, 2023 tungkol sa pag-aadjust ng price ceiling para sa mga socialized subdivision at condominium projects.
Nauna na ring nakipagpulong si Secretary Aliling sa iba’t ibang mga non-government organizations at pribadong grupo upang humingi ng mga mungkahi sa pagpapabuti at pagpapalawak ng flagship housing program ng gobyerno.
“Ang malinaw na direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ay tugunan ang mga sektor na tunay na nangangailangan,” sabi ni Secretary Aliling. (PAUL JOHN REYES)