DFA, tiniyak ang tulong para sa mga Pinoy seaman na dineport ng US authorities
- Published on November 6, 2025
- by @peoplesbalita
TINIYAK ng Department of Foreign Affairs (DFA) sa grupo ng mga Filipino seafarers na dineport mula Estados Unidos na mabibigyan sila ng tulong at ang kanilang mga alalahanin ay tatalakayin kasama ang mga awtoridad ng Estados Unidos.
Ang grupo na kumakatawan sa International Seafarers Action Center ay nakipagpulong kay DFA Assistant Secretary Ezzedin Tago ng Office of Migration Affairs matapos na ang mahigit sa 100 Filipino seafarers ay napaulat na idineport mula sa Estados Unidos.
Dahil dito, hinikayat ng mga deported seafarer ang DFA na maghain ng diplomatic protest laban sa Estados Unidos para sa di umano’y diskriminasyon at pagtatatuwa sa kanilang karapatan sa ‘due process.’
Bilang tugon, siniguro naman ni Tago sa mga ito na ang DFA ay makikipagtuungan sa Department of Migrant Workers at Philippine Embassy sa Washington, D.C. para iberipika ang mga report at siguraduhin na maipapaabot ang tamang tulong sa mga ito.
Nito lamang nakaraang linggo, humingi ng paliwanag ang Philippine Embassy sa Washington sa US Department of State at Department of Homeland Security sa napaulat na ‘denial of entry’ na naharap ng mga ito nito lamang mga nakalipas na buwan.
Gayunman,ipinaalam naman ng dalawang ahensiya sa mga ito na ang kanilang aksyon laban sa tiyak na Filipino sailors ay ginawa “in accordance with existing US laws, regulations and policies.”
Samantala, ang Pilipinas ay isa sa pinakamalaking provider ng shipping manpower sa buong mundo.
Ang bulto o malaking bilang ng mga Filipino seamen o mahigit sa 20% ng 1.2 million sailors sa buong mundo ay nagsisilbing taga-bantay ng oil tankers, cargo ships, luxury liners, at passenger vessels sa buong mundo. (Daris Jose)