DepEd: ‘Pag init umabot ng 42 degrees, F2F kanselado
- Published on March 7, 2025
- by Peoples Balita
PLANO ng Department of Education (DepEd) na magpatupad ng adjustment sa class schedule ng mga estudyante, bunsod na rin ng nararanasang matinding init ng panahon.Ayon kay Education Secretary Sonny Angara, may ilang lugar at paaralan na ang nagpapatupad ng class schedule adjustment, kung saan ang morning class sessions ay inilipat ng 6am-10am habang ang panghapong klase ay 2pm-6pm.
Samantala, ang asynchronous learning naman ay idinaraos ng mula 10am-2pm.
Sinabi pa ni Angara na ang mga paaralan ay maaaring mag-transition sa remote o asynchronous learning kung ang heat index ay umabot ng 42 degrees Celsius pataas pa, o base sa direktiba ng local government units (LGUs).
Nagpaalala rin si Angara sa mga paaralan na limitahan ang outdoor physical activities para sa mga mag-aaral, at gumamit ng malilim na lugar, gaya ng school courts, kung kinakailangan.
Pinahihintulutan na rin ng DepEd ang paggamit ng light at kumportableng uniporme para sa mga mag-aaral at school personnel.
Paniniguro pa niya, magpapalagay sila ng mga karagdagang electric fans sa mga silid-aralan at hydration stations, at mamamahagi ng insulated water containers.