DepEd: Klase sa public schools ‘di sakop ng 4-day work week
- Published on March 10, 2026
- by @peoplesbalita
NILINAW ng Department of Education (DepEd) na ang klase sa mga pampublikong paaralan sa bansa ay hindi saklaw nang ipatutupad na four-day work week ng pamahalaan.
Ayon kay Education Secretary Sonny Angara, ang tanging sakop lamang ng four-day work week ay mga opisina ng DepEd.
Aniya, mananatili pa ring limang araw ang pasok ng mga mag-aaral sa public schools.
“I don’t believe so, but the DepEd offices are covered,” pahayag pa ni Angara, nang matanong hinggil sa isyu.
Nauna rito, inianunsiyo ni Pang. Ferdinand Marcos Jr. na simula ngayong Lunes, Marso 9, ay magpapatupad ang ilang ahensiya sa ilalim ng executive branch ng four-day work week.
Layunin nitong magtipid ng enerhiya at kuryente at bilang paghahanda na rin sa posibleng pagtaas ng presyo ng langis dulot ng tensiyon sa Gitnang Silangan.
Ilang ulat naman ang naglabasan na kasama sa magpapatupad ng 4-day work week ang DepEd.
Samantala, naglabas din ng direktiba si Angara sa mga pampublikong paaralan na magsagawa ng simple ngunit makabuluhang graduation at moving-up ceremonies para sa pagtatapos ng school year.
Makakatulong ito upang hindi na magkaroon ng karagdagang gastusin ang mga magulang at guardians.