• April 7, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Dementia at Alzheimer, panahon na para tugunan

KASABAY na rin sa patong-patong na problemang pangkalusugan, patuloy na tumataas ang kaso ng mga nakatatandang Pilipinong nakararanas ng dementia at Alzheimer.

Sa isang pagtitipon sa University of the Philippines – Diliman Theater (UP Theater), binigyang diin ni United Senior Citizens Partylist Rep. Milagros Aquino-Magsaysay na panahon na para magkaroon ng malinaw na polisya at programa para harapin ang mga hamon ng dementia at Alzheimer.

Batay aniya sa datos ng Alzheimer’s Disease Association of the Philippines noong 2015, halos 800,000 Pilipinong nakatatanda ang may dementia at 60% o 6 sa10 na mga Pilipinong may dementia ay galing sa mahihirap na pamilya o low-income families.

Ayon sa mambabatas, isa umanong neurocognitive disorder ang dementia na nagpapahina ng cognitive function o pag-iisip, pagiging makalilimutin, at pagkawala ng memorya ng mga nakatatanda na siya namang nakakaapekto sa kanilang pang-araw-araw na buhay.

Sinabi ni Magsaysay na muli niyang isusulong ngayong 20th Congress ang nauna na niyang panukala na Philippine Dementia Care Policy dahil nanatiling pahirap ang dementia sa mga nakatatanda at dagdag din itong pasanin sa kanilang mga pamilya.

“Limitado po ang health care coverage pagdating sa dementia at Alzheimer. Kadalasan po hindi ito saklaw ng mga programa ng pamahalaan kaya po napipilitan ang mga nakakatandang gumastos mula sa sarili nilang bulsa o yung out-of-pocket payment. Pagwala pong pera, hindi na nakakapagpagamot. Nakakaawa po sila at ang kanilang mga pamilya. Huwag po sana nating ipikit ang ating mga mata sa katotohanang ito,” anang mambabatas.

Nanawagan din si Magsaysay kay Pangulong Marcos at sa mga kapwa mambabatas na bigyang pansin ang isyung ito lalo pa’t napakahalaga aniya ng kalusugan ng kaisipan ng mga nakatatanda.

Kung maisasabatas ang panukala, palalakasin nito ang basic health services, tutugunan ang kakulangan sa pasilidad at mga skilled o specialized health workers. Magkakaroon din ng komprehensibong programa at proseso para matugunan ang dementia at Alzheimer hindi lamang sa mga medical protocol kundi maging sa pagtuturo kung paanong aalagaan ng kanilang mga pamilya ang kaanak na may dementia o Alzheimer. (Vina de Guzman)