Deliberasyon ng National Budget, target simulan ng Kamara sa September 1
- Published on August 6, 2025
- by @peoplesbalita
TARGET ng Kamara na simulan sa Setyembre 1 ang formal deliberations ng panukalang 2026 national budget, habang nagpasimula na ng inisyal na preparations sa kabila ng kaunting pagkaka-delay sa kalendaryo.
“Ang target po natin DBCC (Development Budget Coordination Committee) ay September 1,” pahayag ni Nueva Ecija Rep. Mikaela Angela Suansing navsiyang chairwoman ng House Committee on Appropriations.
Sa kabila nang inaasahang isusumite ang National Expenditure Program (NEP) sa Kongreso sa susunod na linggo o August 13, ilang hakbang ang kailangang gawin bago pormal na maihain ang General Appropriations Bill (GAB).
Ipinaliwanag ni Suansing na sa kabila na medyo maiuusog ng kaunti ang budget hearings ngayon taon, inilinya na ng komite ang mga preliminary activities nito.
“May intermediate activities din po tayo bago magsimula ‘yung aktwal na deliberation sa September 1.
Habang hinihintay po natin ‘yung pag-file ng mismong GAB ay gagawin natin ‘yung initial engagement natin, ‘yung tinatawag natin na People’s Budget Review,” pahayag nito.
Siniguro naman ni Suansing na sa kabila ng kaunting shift dahil sa congressional calendar ay kumpiyansa itong makakaabot sila sa deadline.
“Kaya naman po. As usual marami lang pong mga gabi na hindi kami pwedeng matulog. Hindi lang gabi, ilang linggo. But we will get the budget passed on time po. And very strongly deliberated on. Yun po yung mahalaga,” patuloy nito.
Plano rin nitong magsagawa ng sunud-sunod na budget hearings, tulad ng mga nakalipas na taon, upang mapabilis ang proseso. (Vina de Guzman)