• April 23, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Debris ng missing Cessna plane sa Bicol natagpuan sa Mt. Mayon

NAKITA na malapit sa crater ng Bulkang Mayon ang posibleng bahagi ng Cessna 340 plane na nawala kamakalawa sa Albay.

 

 

Ayon kay Mayor Carlos Irwin Baldo, Jr. ang debris ng eroplano ay nakuhanan sa pamamagitan ng digital single-lens reflex (DSLR) camera ng isang volunteer dakong alas-10:30 ng umaga sa gilid ng bulkan sa Camalig, Albay.

 

 

Natagpuan ang debris ng aircraft sa taas na 6,500 feet o 350 meter mula sa bunganga ng bulkan.

 

 

Wasak na wasak at hiwa-hiwalay ang ilang bahagi ng eroplano habang hindi pa matukoy kung buhay o patay ang apat na sakay nito na sina Pilot Capt. Rufino James T. Crisostomo Jr., Mechanic Joel G. Martin at mga consultants ng Energy Development Corporation (EDC) na mga Australian national na sina Simon Chipperfield at Karthi Santanan.

 

 

Dahil dito, patungo na sa crash site ang iba’t ibang search and rescue teams kasama ang ilang mountaineers.

 

 

Nawala ang kontak sa nasabing aircraft dakong alas-6:43 ng Sabado matapos itong umalis sa Bicol International Airport.

 

 

Samantala, nagpapatuloy pa rin ang pagha­hanap sa Cessna C206 plane RPC 1174 patungo sana sa bayan ng Maconacon, Isabela na nawala noong Enero.

 

 

Sa ngayon aniya ay wala pa silang nakikitang indikasyon sa kinaroroonan ng nasabing eroplano. (Daris Jose)