DBM, nangako na ia-upgrade ang Project DIME para sa mas maayos na infra project monitoring
- Published on September 10, 2025
- by @peoplesbalita
TINIYAK ng Department of Budget and Management (DBM) sa publiko ng patuloy na isasaayos ang sistema ng isang online real-time tracker upang masiguro ang “more accurate at efficient monitoring’ ng government-funded infrastructure, kabilang na ang flood control projects.
Sa katunayan, mas maraming government agencies ang nakikipagtulungan ngayon sa DBM para sa implementasyon ng pinahusay na Project DIME (Digital Imaging for Monitoring and Evaluation), isang real-time web-based tool na pinapayagan ang publiko na i-monitor ang mga infrastructure project.
“[DBM] Secretary Amenah Pangandaman assured the public that they can expect stronger and more efficient online monitoring of government infrastructure projects with the support of additional agencies collaborating on the implementation of the Digital Information for Monitoring and Evaluation, or Project DIME,” ayon sa DBM.
Sa kabilang dako, sa Senate Blue Ribbon Committee hearing ukol sa di umano’y maanomalyang flood control projects, araw ng Lunes, sinabi ni Pangandaman na ang Project DIME ay sumasailalim sa patuloy na pagsasaasyo upang magtatag ng technology-enabled validation at reporting mechanism para sa piling government infrastructure projects.
“Meron pong innovation ‘yung sa Project DIME po natin. Hindi po ito kailangan ng satellite kung gusto pong mag-access. At ‘yung unang innovation po dito, sinama na po natin ‘yung UP, University of the Philippines, ‘yung Project NOAH,” ang sinabi ng Kalihim.
Matatandaang nito lamang May 2025, nilagdaan ng DBM ang isang memorandum of understanding kasama ang UP at Department of Public Works and Highways (DPWH) para mas mapalakas ang implementasyon ng proyekto sa pamamagitan ng pagsama-samahin ang disaster risk reduction strategies at tiyakin na ang government projects ay matatag sa natural hazards.
Winika pa ni Pangandaman na magagawa rin ng digital platform na palakasin ang partisipasyon ng mga mamamayan sa pamamagitan ng payagan ang pubiko na mag-post ng feedback sa pamamagitan ng website.
Sinabi pa nito na nagpapatuloy ang pag-uusap kasama ang Department of Environment and Natural Resources, Philippine Space Agency, Department of Energy, at Department of Science and Technology para sa ‘improvement’ nito.
Ikinatuwa naman ni Pangandaman ang pagpapahalaga at pagkalugod ng mga mambabatas sa pagsiskap ng DBM na paghusayin ang ‘transparency at citizen participation’ sa pamamagitan ng teknolohiya.
“Natutuwa naman ako na nabalitaan nila ‘yung ginagawa natin (I am happy that they are aware of what we are doing) for Project DIME. We will continue to collaborate with other agencies to make sure na magiging successful ‘yung Project DIME natin,” anito.
Ang Project DIME ay isa sa flagship digitalization initiatives ng DBM, naglalayon na i-promote ang transparency sa pamamagitan ng pagbibigay ng makabuluhang impormasyon ukol sa ‘project status at progreso’ kabilang na ang ‘completion rates, funding sources, mga ahensyang nagpapatupad, at pangalan ng mga kontratista.’ (Daris Jose)