DBM, itinutulak ang ‘menu system’ para sa infra, flood projects para labanan ang isyu ng budget insertions
- Published on August 6, 2025
- by @peoplesbalita
ITINUTULAK ng Department of Budget and Management (DBM) ang “menu” ng pre-identified infrastructure projects simula sa flood mitigation programs para lutasin ang usapin na may kaugnayan sa budget insertions.
Sa katunayan, sa naging paliwanag ni Budget Secretary Amenah Pangandaman, ang paglikha ng menu ng pre-approved infrastructure projects sa buong bansa ay magbibigay pahintulot sa mga ahensiya at mga mambabatas na pumili mula sa listahan ng mga panukala na masusing sinuri.
Ang mga proyektong ito ayon kay Pangandaman ay nakahanay na sa national priorities at available funding sa ilalim ng President’s budget o National Expenditure Program (NEP).
“Ang naisip po sana namin na maganda ay magkaroon kami ng menu ng mga proyekto sa buong Pilipinas. Kung kaya namin kaagad, kunyari sa flood control and water management, makapag-identify kami ng sampu. Kunwari po, tapos napondohan namin sa President’s budget o kaya sa NEP, kung sa tingin nila hindi yan priority pa ngayon, pwede sila tumingin sa ibang menu na meron kami,” ang sinabi ng Kalihim.
Winika pa rin nito na kumikilos at nagtatrabaho ang gobyerno tungo sa mas “coordinated and data-driven approach” sa paglaan ng pondo partikular na para sa flood mitigation projects.
“‘Di lang yan one-size-fits-all na solusyon. Marami pwedeng solusyon na gawin depende sa lugar at area,” ang tinuran ni Pangandaman.
Idinagdag pa ng Kalihim na isinama na ng DBM ang prinsipyong ito sa national budget process, tiyakin na ang mga ahensiya ay sangkot sa project planning para i-maximize ang kahusayan.
“Para makatipid tayo sa pondo, tsaka to ensure na tama yung pagpa-plano. Nilagay natin yan sa budget, lahat ng ahensya may stake doon at gagawin ang proyekto,” aniya pa rin.
Sa ulat, inaprubahan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. nito lamang buwan ng Hulyo ang P6.793-trillion NEP para sa Fiscal Year 2026.
Ani Pangandaman, mismong si Pangulong Marcos ang nakipag-usap sa iba’t ibang ahensiya para siguraduhin na ang lahat ng prayoridad ay nakahanay tungo sa ‘common goal’ na makamit ang pananaw ng Bagong Pilipinas. ( Daris Jose)