DBM, hindi popondohan ang flood control projects na kulang sa requirements – Malakanyang
- Published on August 29, 2025
- by @peoplesbalita
HINDI magpapalabas ng pondo ang Department of Budget and Management (DBM) para sa flood control projects na kulang sa kinakailangang dokumentasyon.
Ito’y matapos na manawagan ng imbestigasyon si House Deputy Speaker Ronaldo Puno hinggil sa “funders” o mga sponsor ng maanomalya at non-existent construction projects sa 2025 national budget, at maging ang papel ng DBM sa pagpapalabas at pagpigil ng pondo.
“Pinag-aaralan po ng DBM kung paano at kailan iri-release ang pondo,” ayon kay Presidential Communications Office Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro sa press briefing sa Malakanyang.
“Kung ito naman po ay walang SARO [Special Allotment Release Order] at hindi mapapatunayan ang mga requirements na na-comply ay hindi po maglalabas ng pondo ang DBM,” aniya pa rin.
Gayunman, sinabi ni Castro na ginagalang ng Malakanyang ang legislative process, sabay sabing trabaho ng mga mambabatas ang imbestigahan ang mga maanomalyang proyekto.
“Trabaho naman po nilang mag-imbestiga so hindi po natin hahadlangan iyan,” aniya pa rin.
Binigyang diin ni Castro ang panawagan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. para sa ‘collective effort’ para labanan ang korapsyon.
Tinuran ni Castro na umapela si Pangulong Marcos para sa kooperasyon sa gitna ng nagpapatuloy na pagsisikap na paghusayin ang ‘transparency at accountability ‘ sa public service, partikular na sa mga proyektong may kaugnayan sa flood control at iba pang government initiatives.”
“‘Yun naman din po talaga ang naisin ng Pangulong Marcos Jr. na lahat-lahat po tayo ay magtulungan upang masawata itong mga korapsiyon na ito. At hindi lamang po ang gobyerno, ang pamahalaan ang dapat kumilos kung hindi ang taumbayan na nakakaalam ng mga nangyayari sa paligid nila,” ang sinabi pa rin ni Castro.
“So, mas maganda po talagang isumbong nila sa Pangulo itong mga ganitong klaseng insidente at kondisyon,” dagdag na wika nito.
( Daris Jose)