DBM, DILG tinintahan ang kasunduan ukol sa pagpapalabas ng P700-M na financial assistance para sa LGU projects
- Published on September 1, 2025
- by @peoplesbalita
TININTAHAN ng Department of Budget and Management (DBM) at Department of the Interior and Local Government (DILG) ang isang joint memorandum circular (JMC) na naglalayong padaliin ang pagpapalabas ng P700 million na financial assistance para sa local government projects sa ilalim ng 2025 Support and Assistance Fund to Participatory Budgeting (SAFPB) Program.
Ang pondo ay mapakikinabangan ng mahigit sa 40 local government units (LGUs) sa buong bansa, ayon sa DBM sa isang Facebook post, araw ng Miyerkules, kasunod ng paglagda sa JMC.
Sa kabuuang benepisaryo, may 35 LGUs ang magpapatupad ng nilalayon ng proyekto na ayusin ang access para sa ‘safe at resilient water supply at sanitation services’ habang ang siyam na disaster-prone LGUs ay makatatanggap ng suporta para sa konstruksyon ng climate-smart evacuation centers.
Sa kabilang dako, sina DBM Undersecretary Wilford Will Wong at DILG Undersecretary Marlo Iringan ang nagpormalisa ng kasunduan.
Samantala, ang mga local chief executives mula Cagayan, Ilocos Sur, at Surigao del Sur ay nakapagpakita ng ‘best practices’ sa paggamit ng SAFPB-funded projects sa kani- kanilang komunidad.
Ang programa ay kabilang sa ‘key efforts’ ng gobyerno para palakasin ang ‘participatory budgeting’ o ang participatory budgeting ay pagbibigay ng karapatan sa mga mamamayan ng isang lugar na makibahagi sa pagba-budget ng kanilang natipong buwis at tiyakin ang ‘responsive delivery’ ng mga pangunahing serbisyo sa lokal na antas. ( Daris Jose)