DBCC, magsusumite ng rekomendasyon ng fuel tax suspension — Malakanyang
- Published on April 7, 2026
- by @peoplesbalita
NAKATAKDANG makipagpulong ang Development Budget Coordination Committee (DBCC) kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. , araw ng Martes, Abril 7, para magsumite ng rekomendasyon nito sa posibleng suspensyon ng excise tax sa petroleum products.
Sinabi ni Presidential Communications Office Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro sa press briefing sa Malakanyang na ang nasabing rekomendasyon ay ‘subject’ sa pag-apruba ni Pangulong Marcos.
“The DBCC will have a meeting tomorrow with the President. Let us keep in mind that taxes are the lifeblood of the government so we need to balance everything,” ang sinabi ni Castro.
Noong nakaraang linggo, sinabi ng Department of Budget and Management (DBM), chairman ng DBCC, na idedetermina nito ang pinal na policy direction sa nasabing usapin.
Sa ilalim ng Republic Act 12316, maaaring suspendihin o tapyasan ng Pangulo ang excise tax sa fuel base sa rekomendasyon ng DBCC, sa pakikipagtulungan sa Kalihim ng Department of Energy (DOE).
Ang suspensyon o pagtatapyas ay maaaring ipatupad ng maximum na tatlong buwan kapag ang average Dubai crude oil price, base sa Mean of Platts Singapore (MOPS), ay umabot o lumagpas ng $80 per barrel sa loob ng isang buwan.
Sa ngayon, nakaamba naman sa $102 per barrel. ( Daris Jose)