Dawit kasi sa flood control mess: Advice ni VP Sara na ipakidnap ng OP si Zaldy Co na nasa Amerika at ibalik sa Pinas, “tatak kriminal” – Malakanyang
- Published on September 20, 2025
- by @peoplesbalita
PARA sa Malakanyang, ‘tatak kriminal’ ang suhestiyon ni Vice-President Sara Duterte na ipakidnap si Zaldy Co na kasalukuyang nasa Estados Unidos dahil naka-medical leave at ibalik sa Pilipinas para maharap nito ang akusasyon laban sa kanya.
Si Co, dating chairperson ng House committee on appropriations, ay isa sa mga mambabatas na ikinanta ng mag-asawang kontratista na si Curlee at Sarah Discaya na humihingi ng komisyon sa government project na kanilang nakukuha. Madalas na nababanggit ang Co kaugnay sa komisyon mula sa flood control projects.
Sinabi ni Presidential Communications Office Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro sa isang text message na isang maling advice mula sa isang Bise-Presidente ang naging pahayag nito
“Ipakidnap si Zaldy Co”… tatak kriminal yan… mali ang ganyang advice mula sa isang Bise Presidente,” ayon kay Castro.
Nauna rito, muling kinuwestiyon ni VP Sara ang sinseridad ng administrasyong Marcos sa pag-iimbestiga sa flood control mess, habang sina Leyte Rep. Martin Romualdez at Ako Bicol party-list Rep. Zaldy Co diumano’y nananatiling hindi naparurusahan matapos maugnay sa kontrobersiya.
“Isa sa mga examples na masabi ko sa inyo na wala talaga silang sinseridad sa imbestigasyon sa flood control kasi tinuro na, pinangalanan na, hindi lang ako ang nagsabi, Zaldy Co at Martin Romualdez. Si Zaldy Co, hinayaan nilang umalis ng bansa. Si Martin Romualdez, hinayaan nilang mag-resign. Nag-resign naman na, so tapos na ang usapan,” ayon kay VP Sara.
“Ang Office of the President, involved sila sa kidnapping ni dating Pangulong Rodrigo Duterte. Bakit ngayon, nawala si Zaldy Co at maalis si Martin Romualdez, hindi man lang nila magawa na kidnapin si Zaldy Co doon sa Amerika at ibalik dito sa atin sa Pilipinas? At hindi man lang nila magawa na ikulong si Martin Romualdez diyan sa detention unit ng House of Representatives?” aniya pa rin.
Sinabi ni VP Sara na tila walang pakialam ang gobyerno sa pagkakadawit ng dalawang miyembro ng Kongreso sa usapin dahil walang aksyon na ginawa laban sa mga ito.
“Wala. Dahil wala silang sinseridad, pinapakita lang nila sa mga tao na kunwari meron silang ginagawa. Pero ang totoo niyan, naghahanda lang sila para sa hatian ng 2026 budget at para sa kung anong gagawin nila sa 2028,” ang sinabi ni VP Sara.
Samantala, tiniyak naman ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa publiko na hindi makaliligtas ang kanyang mga kaalyado na sina Romualdez at Co, sa imbestigasyon ng Independent Commission for Infrastructure sa maanomalya at ghost flood control projects.
Kapwa naman itinanggi nina Romualdez at Co ang akusasyon laban sa kanila. ( Daris Jose)