Dapat maging concerned at magkaroon ng stand: RICKY, naghayag ng saloobin tungkol sa korapsyon sa bansa
- Published on October 9, 2025
- by @peoplesbalita
NAGHAYAG ng kanyang saloobin ang National Artist for Film and Broadcast Arts na si Ricky Lee tungkol sa usapin ng korapsyon at katiwalian sa gobyerno dito sa Pilipinas.
“I think bilang Pilipino… bilang kapwa Pilipino, I think lahat tayo dapat maging concerned at dapat lahat tayo magkaroon ng stand, paninindigan, sa kanya-kanyang paraan kasi kanya-kanyang kakayahan.
“Pero I think hindi ka pupuwedeng wala akong nakikita, wala akong naririnig, ‘Ayokong makisali’, parang hindi ka puwedeng maging masaya kung sa palibot mo ang dami mong kababayan ang naghihirap at hindi masaya at binabaha.
“So parang kakabit ka na ng kapalaran nila e. So I think natutuwa ako na finally maybe sumulak na yung galit at hopefully, eventually it will go to a point where may mangyayari.
“Kung ano yung mangyayari hindi ko siyempre mahuhulaan sa ngayon, but I think may mangyayari. Although ang dami-daming negative news and everything, I’m very hopeful, I’m very hopeful.
“Nakita ko yung mga tao sa martsa, mga kabataan, mga Gen Z na ang dami-dami, mga kasamahan ko sa industriya, gives you hope na huwag tayong magsabi na wala ng mangyayari, wala ng pag-asa, ang hirap namang mahalin ng Pilipinas, ang hirap naman ng mga kababayan ko, bakit naman sila ganito?
“Kesa magsisihan ng ganun na parang nagda-down tayo, hayaan nating magningas pa lalo yung spark na nasimulan na, yung spark ng hope.”
Ayon rin sa kanya, may mga inspirasyon na makukuha sa mga nagaganap sa bansa upang sumulat o gumawa ng isang pelikula tungkol sa mga nangyayari ngayon.
“I think eventually yes, pero in the meantime, magmasid, makisangkot, makinig muna, ipunin lahat ng kuwento. “Parang ang dami-daming mga kuwento, ang dami-dami kong nakikita. Yung kuwento na lang nung mga hinuli, bawat isa dun may kuwento, sino sila, saan nanggaling, bakit sumulak ang kanilang galit to that point.
“Yung mga kuwento ng… siguro may mga pulis din na naiipit sa gitna, kuwento rin naman yun e, kanino ako kakampi, sino nga ba ako, Pilipino pa ba ako, etc.
“Parang ang dami-daming kuwento. So para sa isang manunulat, napakasarap na kasangkot ka bilang ikaw but at the same time kasangkot ka bilang manunulat na nag-o-obserba at magsusulat eventually about you.”
Dumalo si Sir Ricky sa opening ceremonies ng 7th Sinag Maynila 2025 kung saan ang opening film ay ang classic 1997 film na “Jaguar” na si Sir Ricky at Jose Lacaba ang sumulat ng screenplay at ang direktor naman ay ang isa pang National Artist at icon na si Lino Brocka.
(ROMMEL L. GONZALES)