Dapat lamang na maging transparent: PBBM, ipinakikita lamang na hindi siya “weak leader”- Castro
- Published on March 1, 2025
- by Peoples Balita
DAPAT lamang na maging transparent si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at ipakita sa publiko na hindi siya isang “weak leader.”
Pahayag ito ni Palace Press Officer Undersecretary Claire Castro nang tanungin ang pamamaraan ng pangangampanya ni Pangulong Marcos para sa senatorial slate ng administrasyon para sa Eleksyon 2025.
Matatandaan na kapansin-pansin na tila gumaganti si Pangulong Marcos ng mga birada at pambabatikos gamit ang kanyang mga talumpati sa mga campaign sorties.
”Sa lahat po ng campaign rallies napuntahan po ng Pangulo, ang mga kandidato niya po mismo, ang kanyang mga sinusuportahang kandidato ang nagsasabi kung ano ang kanilang magiging program, ang kanilang magiging proyekto para sa ikauunlad ng bayan at sa ikauunlad ng taumbayan,” ayon kay Castro.
”Siguro po, kailangan lang po talaga paminsan-minsan ang ating Pangulo ay maging transparent din siya sa kanyang na saloobin at para po maipahatid din sa mga tao na he is not and will never be a weak leader,” dagdag na wika nito.
Taong 2021, tinawag ni dating Pangulong Rodrigo “Digong” Roa Duterte si Pangulong Marcos, noon ay isa pa lamang na presidential aspirant na isang “spoiled” at “weak leader”.
Ito ang naging sagot ni Duterte nang tanungin ng local Mindoro lider kung may alyansa sa pagitan ng kanyang anak na si Davao City Mayor Sara Duterte-Carpio ng Lakas-CMD party at PDP-Laban at PDDS na kung siya ay miyembro nito.
“No. I cannot because nand’yan si Marcos. Hindi ako bilib sa kaniya. He’s really a weak leader,” wika ni Duterte.
Si Marcos Jr., na kapangalan ng yumaong dating pangulong Ferdinand Marcos, ay running mate ni Duterte-Carpio.
“Hindi ako naninira ng tao, talagang weak kasi spoiled child, only son. Of course he can talk, he delivers English articulate[ly], ang aral kasi kung saan-saan sa labas. Pero kung sabihin mo na may crisis, he’s a weak leader at saka may bagahe siya,” dagdag pa ni Duterte.
(Daris Jose)