DAHIL SA PAGGAMIT NG REAR-MOUNTED LIGHT BARS, TOYOTA FJ CRUISER NAKA-ALARMA SA LTO
- Published on August 5, 2025
- by @peoplesbalita
INILAGAY sa alarma ng Land Transportation Office (LTO) ang Toyota FJ Cruiser dahil sa paggamit ng hindi awtorisadong rear-mounted light bars.
Ayon kay Transportation Assistant Secretary at LTO Chief Atty. Vigor D. Mendoza II, makatwiran ang mga hinaing ng mga netizen sa kumalat na video kaugnay ng insidente dahil maaaring makaapekto sa visibility ng mga sumusunod na motorista ang nakakasilaw na ilaw lalo na sa gabi.
“Hindi natin alam kung ano ang tumatakbo sa utak ng may-ari ng sasakyan na ito na magpakabit ng nakakasilaw na ilaw na ganito. Bawal po ‘yan dahil it can compromise road safety lalo na sa gabi,” sabi ni Asec. Mendoza.
“Naglabas na tayo ng show cause order laban sa rehistradong may-ari ng sasakyan at inatasan din siyang isuko ang lisensya ng drayber na nagmamaneho nito noong oras ng insidente,” dagdag pa niya.
Batay sa imbestigasyon ng LTO-Intelligence and Investigation Division sa pangunguna ni Renante Melitante, nagdulot ng biglaang pagpreno sa mga kasunod na sasakyan ang nakakasilaw na ilaw sa likuran ng naturang sasakyan.
Layunin din ng imbestigasyon na matukoy ang drayber sa pamamagitan ng show cause order na inihain sa may-ari ng sasakyan.
Parehong pinagsusumite ng paliwanag ang may-ari at drayber kung bakit hindi sila dapat kasuhan ng administratibong paglabag sa ilalim ng Presidential Decree No. 96 (na may kaukulang parusa sa ilalim ng Item II (d) ng Joint Administrative Order No. 2014-01), at ng Republic Act No. 4136, partikular ang Seksyon 48 (Reckless Driving) at pagiging Improper Person to Operate a Motor Vehicle (Section 27.a) kaugnay ng nasabing insidente.
Pinadadala rin ang sasakyan sa LTO para sa inspeksyon kalakip ang orihinal na Certificate of Registration (CR) at Official Receipt (OR). (PAUL JOHN REYES)
