• March 21, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

DAHIL SA “ISUMBONG MO SA PDEA” REPORT, TULAK NG ILEGAL NA DROGA ARESTADO

ISANG beripikadong ulat na natanggap sa pamamagitan ng Isumbong Mo sa PDEA (IMSP) platform ang nagresulta sa matagumpay na buy-bust operation at pagkakaaresto ng isang hinihinalang sangkot sa ilegal na droga sa Purok 7, Barangay Bool, Tagbilaran City, Bohol dakong 8:53 ng gabi noong Marso 16, 2026.

Pinangunahan ang operasyon ng magkasanib na puwersa ng PDEA Bohol Provincial Office, Tagbilaran City Police Station, at Bohol Maritime Police.

Kinilala ni PDEA 7 Regional Director Joel B. Plaza ang suspek sa alyas na Rex, 40 anyos, walang trabaho, at residente ng nasabing lugar.

Nakumpiska sa operasyon ang isang pakete ng hinihinalang shabu na may timbang na humigit-kumulang 5 gramo at tinatayang may halagang ₱34,000, gayundin ang buy-bust money at isang cellular phone.

Pinadala ang nakuhang drug evidence sa PNP Bohol Forensic Laboratory para sa pagsusuri, habang ang suspek ay kasalukuyang nakadetine sa Tagbilaran City Police Station.

Ang pagbebenta ng ilegal na droga ay may kaukulang parusang habambuhay na pagkakakulong at multang aabot sa ₱10 milyon.

Hinimok din ang publiko na iulat ang anumang ilegal na aktibidad sa droga sa IMSP hotline: 0995 354 7020. Tiniyak ng awtoridad na ang lahat ng impormasyong matatanggap ay dadaan sa beripikasyon at mananatiling kumpidensyal.
(PAUL JOHN REYES)