• October 19, 2025 WordPress timezone: Asia/Manila
    Current date: October 20, 2025
    Current time: October 20, 2025 6:37 AM

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Dagdag suporta para sa flexible-learning students, hiniling

KAILANGAN umano ng karagdagang suporta para sa mga estudyante sa ilalim ng flexible-learning scheme upang magkaroon ng dekalidad na edukasyon para sa mga Pilipinong mag-aaral.

 

Ito ang panawagan GP (Galing sa Puso) Party-list kasunod ng ulat na pamamahagi ng Department of Education ng mahigit 87 milyong modules at 74,000 tablets sa mga estudyante sa ilalim ng flexible learning.

 

Sa kabila ng pagkilala ng grupo sa inisyatiba ng gobyerno, idiniin ni GP first nominee Atty. JP Padiernos na simula pa lamang ito ng mas maraming inisyatibang kailangan upang matugunan ang krisis sa edukasyon.

 

“Isa itong magandang hakbang pero marami pang kailangang abutin ang ating kampanya para sa pagbibigay ng dekalidad na edukasyon sa mga kabataan,” sabi ni Padiernos sa isang pahayag.

 

Ayon kay Padiernos, dapat na maglaan ng mas mataas na badyet sa educational initiatives ang gobyerno dahil maraming mga Pilipinong mag-aaral ang nananatiling nasa laylayan.

 

Base sa 2022 World Bank report kaugnay ng learning poverty, siyam sa 10 na Pilipinong mag-aaral ay hindi nakababasa o nakakaintindi ng simpleng sulatin sa edad na 10.

 

Sinabi ni Padiernos na ang pamimigay ng mga learning tools ay kahanga-hanga ngunit hindi ito sapat upang matugunan ang mas malaking isyu sa sistema ng edukasyon.

 

Nanawagan ang abogado sa gobyerno na lalo pa nitong paigtingin ang mandato ng 1987 Philippine Constitution na nagsasabing dapat na bigyan ng pinakamataas na prayoridad ang edukasyon sa national budget.

 

“Edukasyon ang susi sa magandang kinabukasan ng mga kabataan. Ito ang susi sa progresong inaasam ng ating bansa. Sa pamamagitan ng mga magagandang inisyatibong tutugon sa suliraning pang-edukasyon, nalalapit na rin ang magandang kinabukasang inaasam natin para sa bawat Pilipinong mag-aaral,” dagdag pa niya.

 

Binanggit din ng grupo ang problema sa kakulangan ng mga impraktrasturang magagamit ng mga mag-aaral. Ayon sa Second Congressional Commission on Education (EDCOM II), may kakulangan ng mahigit 165,443 classrooms ang Pilipinas na siyang dahilan upang maging “aisle learners” o estudyanteng nag-aaral sa overcrowded at masikip na lugar ang lagpas 5.1 milyong estudyante.