DA AT JICA, LUMAGDA SA 1.7-B YEN GRANT PARA SA MODERNONG RICE PROCESSING SA ISABELA
- Published on February 19, 2026
- by @peoplesbalita
LUMAGDA ang Department of Agriculture (DA) at ang Japan International Cooperation Agency (JICA) sa kasunduang nagkakahalaga ng JPY 1.7 bilyon para sa pagtatayo ng modernong rice processing system sa Isabela na layong palakasin ang buffer stocking capacity ng National Food Authority (NFA).
Sinabi ni Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro sa press briefing sa Malakanyang na alinsunod ito sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na paigtingin at gawing makabago ang sektor ng agrikultura sa bansa.
“Pormal nang pinirmahan ang kasunduan sa pagitan ng Department of Agriculture at Japan International Cooperation Agency o JICA para makapagpatayo ng modernong rice processing system sa Cauayan City, Isabela,” ayon kay Castro.
“Layunin ng nasabing proyekto na palakasin ang buffer stocking capability ng National Food Authority,” dagdag na pahayag ni Castro.
Itatayo ang pasilidad sa Cauayan City, isa sa nangungunang rice-producing areas sa Isabela, at ipatutupad ng DA sa pamamagitan ng NFA.
Ani Castro, magkakaroon ang pasilidad ng high-capacity mechanical grain dryers, multi-stage rice mill, at mga grain silo na kayang humawak ng mas malaking volume ng ani nang mas episyente. Tinatayang aabot sa 5,000 magsasaka sa Cauayan City ang direktang makikinabang sa proyekto.
Makatutulong din aniya ang pasilidad upang mabawasan ang post-harvest losses, maiwasan ang pagkalugi ng mga lokal na magsasaka, mapataas ang milling recovery rates, at mapabuti ang kalidad ng lokal na bigas para sa disaster relief at mga programa ng pamahalaan tulad ng “Benteng Bigas, Meron Na.”
Inaasahan ding makikinabang ang mga mamimili at magsasaka sa pamamagitan ng mas matatag na suplay ng pagkain at mas mataas na kita.
“Iilan lamang ito sa mga benepisyong maaasahan ng mga Pilipino sa nasabing proyektong pang-agrikultura sa pagitan ng Pilipinas at Japan,” ang winika ni Castro. (Daris Jose)