• April 8, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Curfew sa Maynila muling ipinatupad

MULING ipinatupad ni Manila Mayor Isko ­Moreno ang curfew hours sa lungsod sa ilalim ng Executive Order No. 2 na layong masiguro ang kaligtasan ng mga may edad 17 pababa kung saan bawal gumala mula alas-10:00 ng gabi hanggang alas-4:00 ng madaling araw.

Layon nito na mai­layo, hindi lamang sa panganib sa lansangan ang mga kabataan, kundi makaiwas din sila sa masamang impluwensiya tulad ng pagkalulong sa ilegal na droga, pag-inom ng alak, at paglahok sa mga street gang na kalimitang may kagagawan sa mga riot.

Agad namang inatasan ni Manila Department of Social Welfare (MDSW) Chief Jay Dela Fuente ang lahat ng District Office na buksan ang kanilang mga opisina ng 24-oras. Sa oras aniyang may mahuling lumabag sa kautusan, agad silang dadalhin sa district office ng MDSW kung saan ipapatawag ang kanilang mga magulang at ipauunawa ang kanilang responsibilidad at ang nasabing ordinansa.

Bukod sa curfew hours, nilagdaan din ni Isko ang kautusan sa ilalim ng Executive Order No. 1 na nag-aatas sa lahat ng empleyado at opisyal ng lokal na pamahalaan na dapat ay maging modelo ng kagandahang asal; EO No. 3 na nag-aatas sa lahat ng barangay officials sa lungsod na pangunahan ang pagsasagawa ng de-clogging sa mga  kanal, estero at paglilinis ng kanilang nasasakupang lugar simula Hulyo 5, 2025 tuwing araw ng Sabado; EO No. 4 na naghihigpit sa pagpapatupad ng Motor Vehicle Modified Muffler Noise Regulation, at ang Executive No. 5 na nag-aatas sa lahat ng telephone companies at iba pang cable providers na isaayos ang mga patay na linya o mas kilala na ‘spaghetti wires’ sa buong lungsod ng Maynila.