• March 10, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Creamline, Petro Gazz sa AVC tilt

IWAWAGAYWAY ng Creamline at Petro Gazz ang bandila ng Pilipinas sa AVC Women’s Champions League na idaraos sa Abril 20 hanggang 27 sa Philsports Arena sa Pasig City.

Mismong si Premier Volleyball League (PVL) president at Philippine National Volleyball Federation vice president Ricky Palou ang nagkumpirma ng pagtatalaga sa Cool Smashers at Gazz Angels para sumalang sa AVC event.

Orihinal na plano sana na ang magkakampeon sa ginaganap sa PVL All-Filipino Conference ang sasabak sa AVC tournament.

Subalit dahil kailangan nang isumite ang team sa AVC, nagdesisyon ang PVL na tukuyin na lamang ito base sa standings ng teams matapos ang preliminary round.

Sa pagtatapos ng eliminasyon, nanguna ang Cool Smashers at Gazz Angels kaya’t nakuha ng dalawang teams ang karapatang maging respresentatives ng bansa sa AVC.

Bilang host country, pinahintulutan ang Pilipinas na magpasok ng dalawang teams sa AVC tournament.

Orihinal sanang gaganapin ang AVC event sa South Korea ngunit inilipat ito sa Vietnam bago muling ipasa ang hosting rights sa Pilipinas.

Hawak ng  Creamline at Petro Gazz ang parehong 10-1 rekord sa pagtatapos ng eliminasyon.

Ipaparada ng Creamline si team captain Alyssa Valdez habang  bibida naman sa Petro Gazz sina Filipino-American standouts Brooke Van Sickle at MJ Phillips.