Cong. Tiangco, hinamon si Rep. Co na isapubliko ang small committee amendments sa 2025 national budget
- Published on August 27, 2025
- by @peoplesbalita
MULING hinamon ni Navotas Representative Toby Tiangco si Ako Bicol party-list Rep. Elizaldy “Zaldy” Co na ilabas at isapubliko ang amendments na ginawa ng small committee sa 2025 national budget.
“Walang napadalang report ang Committee Secretariat, kaya ibig sabihin, wala. Pero imposible naman na hindi alam ni Cong. Zaldy Co kung ano ang mga amendments dahil siya ang chair ng Committee on Appropriations noon,” ani Tiangco.
“Kaya muli nating hinahamon si Cong. Zaldy Co na ilabas at isapubliko ang mga amendments na ginawa ng small committee sa 2025 National Budget, para makita ng lahat kung saan nagbawas at saan nagdagdag ng pondo,” dagdag niya.
Sinabi ni Tiangco na ang House of Representatives ay dapat lumampas sa ceremonies at “walk the talk” pagdating sa transparency.
“The 2025 small committee report is a necessary starting point, and only Cong. Zaldy Co can explain this. The House leadership should compel him to do so. We cannot and should not move forward if we do not hold those responsible for the national budget accountable,” aniya.
Nagbabala pa siya na kung patuloy umanong pigilan ni Co ang pag-access sa small committee’s amendments, ang lahat ng pag-uusap tungkol sa transparency sa pampublikong paggasta ay mananatili umanong tokenistic.
“Gaya ng lagi kong sinasabi, kung seryoso talaga kayo and to show good faith, the first step to real transparency is showing the amendments made by the small committee to the 2025 budget. Kung ayaw nila ilabas ‘yan, lokohan lang ito,” sabi ni Tiangco.
“Pera ito ng taumbayan. Nararapat lang na makita ng lahat kung saan napupunta ang buwis na kanilang binabayaran,” dagdag pa niya. (Richard Mesa)