Cong. Leviste, malaki ang maitutulong sa pagsugpo sa korapsyon- Malakanyang
- Published on August 29, 2025
- by @peoplesbalita

Ito ang dahilan kung bakit nabanggit ni Presidential Communications Office Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro ang pangalan ni Leviste sa isang press briefing sa Palasyo ng Malakanyang.
“Nabanggit lang natin ang pangalan ni Cong. Leviste sa press briefing dahil makakatulong siya sa pagsugpo ng corruption. Open ang Pangulo sa lahat ng nais na makipagtulungan kaya nabanggit natin ang kanyang nagawa,” ang sinabi ni Castro.
Sa ulat, nabiktima kasi si Leviste ni Batangas 1st DPWH District Engineer Abelardo Calalo kung saan tinangka siyang suhulan ng nasa mahigit 3M upang hindi umano imbestigahan ang mga flood control projects sa kanyang distrito.
Pinalagan ni Leviste ang nasabing suhol.
Kasabay nito, ibinunyag rin ni Leviste na nagkakaroon ng mahigit 300M kada taon na Standard Operation Procedure (SOP) o ‘kickbacks’ mula sa mga proyekto ng Department of Public Works and Highways (DPWH) na inilalaan umano sa mga congressman. Aniya ito ay base sa kanyang pakikipag-usap kay Calalo ng sinubukan siyang suhulan.
Nauna rito, snabi kasi ni Castro na “Kung sinuman po ang behind dito, mas maganda po na makausap din po ng Pangulo si Congressman Leviste, at kung ano ang kanyang mga nalaman kasi personal po siyang nakahuli dito kay district engineer at most probably, may mga contractor na nabanggit dito.”
“So, mas magandang makipag-ugnayan siya sa Pangulo para kung sinuman ang mga malalaking tao diumano na behind dito ay dapat ding makasuhan, hindi lamang po iyong district engineer,” aniya pa rin
Tiniyak naman ni Castro na handa ang Pangulo na makipag-usap kahit kanino lalo na patungkol sa mga anomalya.
Samantala, wala namang ideya si Castro kung ipapatawag ng Pangulo si Leviste sa Malakanyang para maka-usap niya ito o magkukusa si Leviste na puntahan ang Pangulo at ibahagi ang kanyang nalalaman. ( Daris Jose)