‘CONDONATION 7’ ng NHA, hanggang Disyembre 31, 2025 na lamang
- Published on December 4, 2025
- by @peoplesbalita
PINAPAALALAHANAN ng National Housing Authority (NHA) ang mga benepisyaryo nito na samantalahin ang ‘Condonation 7’ programhanggang Disyembre 31, 2025.
Binansagang “pinakamalaking condonation program sa kasaysayan ng NHA,” ang Condonation 7 ay isang inisyatiba ni NHA General Manager Joeben A. Tai. Inaalis ng programa ang aabot sa 100% ng mga multa at delinquency interes at 95% ng hindi pa nababayarang interes sa amortisasyon para sa libu-libong deliquent accounts ng ahensya.
Nakatakdang magtapos noong Oktubre 31, 2025, ang ‘Condonation 7’ ng NHA ay pinalawig para mapaunlakan ang mas maraming benepisyaryong pamilya ng ahensya na naapektuhan ng mga nakaraang kalamidad na tumama sa bansa.
“Nauunawaan namin ang kalagayang pinansyal ng bawat benepisyaryo ng ating mga pabahay, lalo’t higit po yung mga naapektuhan ng magkakasunod na kalamidad, kung kaya’t hinihikayat po namin ang hindi pa nakaka-avail na mga housing beneficiaries na pumunta po sa pinakamalapit na tanggapan ng NHA sa kanilang lugar para asikasuhin ang kanilang aplikasyon para sa Condonation 7,” wika ni GM Tai sa isang pahayag.
Ang nasabing programa ay magbibigay din ng mga insentibo, kabilang ang mga diskwento at iba pang mga benepisyo, sa mga benepisyaryo na may updated na accounts ng buwanang pagbabayad ng amortization.
“Ginagawa po natin ang ganitong mga programa upang maipadama ng ahensya ang suporta’t pagkalinga sa mga benepisyaryong lubos na nangangailangan ng higit na atensyon at tulong sa panahon natin ngayon,” dagdag ni GM Tai.
Bilang pagpapakita ng pangako nito alinsunod sa bisyon ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos Jr. na Bagong Pilipinas, ipinatupad ng NHA ang programang ito upang suportahan ang mga benepisyaryo ng pabahay na may mababang-kita upang makamit nila ang financial stability at matulungan sila sa ganap na pagmamay-ari ng kani-kanilang kabahayan. (PAUL JOHN REYES)