• October 23, 2025 WordPress timezone: Asia/Manila
    Current date: October 23, 2025
    Current time: October 23, 2025 1:26 PM

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Comelec sa mga kandidato: Bawal mangampanya sa Huwebes, Biyernes Santo

MAHIGPIT ang paalala ng Commission on Elections (Comelec) sa mga kandidato na ipinagbabawal ang pangangampanya sa Huwebes at Biyernes Santo. “Sa mga kandidato, paulit-ulit namin sinasabi bawal ang pangangampanya sa Mahal na Araw lalo na ang Huwebes Santo at Biyernes Santo…. I-respeto sana rin natin ang isang napaka-solemn, religious activity at event na to,” ayon kay Comelec chairperson George Erwin Garcia. Sa ilalim ng Comelec Resolution No. 11086, na nagtatakda ng rules and regulations para sa Republic Act No. 9006 o The Fair Elections Act, mahigpit na ipinagbabawal ang pangangampanya sa Huwebes Santo, Abril 17, at Biyernes Santo, Abril 18, gayundin sa bisperas ng araw ng halalan sa Mayo 11 at sa mismong araw ng halalan sa Mayo 12. Kasabay nito, nagbabala rin ang Comelec na ang sinumang kandidato na mapapatunayang lumalabag sa naturang polisiya ay maaaring maharap sa kaukulang parusa. Hinikayat rin ng poll body ang publiko na huwag mag-atubiling maghain ng reklamo laban sa mga kandidatong maaaktuhan nilang lumalabag sa election laws. Maaari ring isumbong ang mga ito sa mga awtoridad upang kaagad itong maaksiyunan. Ang campaign period para sa national candidates ay itinakda ng poll body mula Pebrero 11 hanggang Mayo 10 habang ang kampanyahan naman para sa local candidates ay mula Marso 28 hanggang Mayo 10, 2025 lamang. (Daris Jose)