Column with photo attached Jemba in Action Jess Basco
- Published on March 10, 2026
- by @peoplesbalita
640-M HALAGA NG MARIJUANA (KUSH) NAHARANG NG PDEA AT BOC SA MANILA INTERNATIONAL CONTAINER PORT
NASABAT ng mga operatiba ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), sa pakikipagtulungan ng Bureau of Customs (BOC) at ng Philippine Coast Guard (PCG), ang tinatayang 800 kilo ng pinaghihinalaang marijuana (kush), sa isang interdiction operation na isinagawa noong Marso 7, 2026 sa Designated Examination Area (DEA), Container Facility Station 3 (CFS3), Manila International Container Port (MICP) sa Tondo, Manila.
Ang operasyon ay nagresulta sa pagkaaresto kay alyas “Manalo,” 44 taong gulang, residente ng Legazpi City. Nadakip ang suspek matapos matuklasan ng mga awtoridad ang mga ilegal na droga na nakatago sa loob ng mga pakete ng kargamento na naka-consign sa isang idineklarang consignee habang isinasagawa ang inspeksyon sa pasilidad ng daungan.
Narekober mula sa kargamento ang humigit-kumulang 800 kilo ng pinaghihinalaang marijuana (Kush) na nakalagay sa loob ng 80 itim na plastic na kahon. Ang bawat kahon ay naglalaman ng maraming vacuum-sealed transparent plastic bag na puno ng pinaghihinalaang ilegal na substansiya. Ang nakumpiskang marijuana ay may tinatayang aabot sa halagang ₱640-M.
Nakumpiska rin sa operasyon ang isang cellphone at isang identification card na pagmamay-ari ng naarestong suspek.
Ang matagumpay na operasyon ng interdiction ay isinagawa ng mga operatiba ng PDEA Seaport Interdiction Unit na nakatalaga sa Manila International Container Port at PDEA Regional Office–National Capital Region, sa pakikipagtulungan ng Bureau of Customs–Customs Anti-Illegal Drugs Task Force at ng Philippine Coast Guard.
Ang naarestong suspek ay mahaharap sa kasong paglabag sa Section 4, Article II ng Republic Act No. 9165, o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Ang mga nakumpiskang ebidensya na droga ay isusumite sa PDEA Laboratory Service para sa forensic examination, habang ang suspek ay sasailalim sa inquest proceedings. (PAUL JOHN REYES)