Coco Levy Fund Law, pinaamyendahan
- Published on July 31, 2025
- by @peoplesbalita
MATAPOS ang pahayag ni Pangulong Bongbong Marcos na paghusayan pa ang batas para sa ikabubuti ng mga coconut farmers, inihain ni Albay 3rd District Representative Raymond Adrian Salceda ang panukalang pag-amyenda sa coco levy fund law.
“Tama po si Presidente na may problema sa paggamit. It takes too long under the current arrangement, and it seems it’s by design. We’re simply trying to respond to that by making sure the fund moves toward the farmers faster and more directly,” ani Salceda.
Nakapaloob sa Bill No. 2336 ang pagbibigay kapangyarihan sa Trust Fund Management Committee na mag-reallocate ng indi nagastos o nagamit na share mula sa implementing agencies na nabigong maipatupad ang mga programa, at i-redirect ang naturang pondo sa ibang ahensiya na tinukoy sa batas na qualified but underfunded proposals.
Nakasaad din ang paglalaan ng share ng pondo para sa coconut planting, seedling propagation, nursery development, at export-oriented coconut enterprises.
Target ng presidente na makapagtanim ng nasa 100 million bagong coconut trees pagdating ng 2028 na mangangailangan ng pondo para maisakatuparan.
Mabagal aniya ang disbursements ng pondo hindi dahil sa kakulangan ng funds kundi dahil sa kabuuan ng kasalukuyang batas.
“Pagkatagal-tagal po itong ipinaglaban ng mga magsasaka. Nagawan na po ng batas. Pero, napakatagal po ng disbursement kasi masyadong pinarte-parte ang allocation. Hindi naman lahat ng agency, nagsa-submit ng proposal, bilang hindi rin nila core functions. Wala ring naging dagdag na project management offices sa mga ahensya,” paliwanag ni Salceda.
Nilinaw pa sa panukala na ang Trust Fund Management Committee ay may awtoridad na mag-isyu ng implementing rules at palakasin ang papel ng mga coconut farmers at local governments sa pagtukoy at pagmonitor ng mga programa.
Nanawagan naman si Salceda sa kongreso na agad aksyunan ang panukala. (Vina de Guzman)