CHINESE NATIONAL ARESTADO SA PAGLABAG NG IMMIGRATION LAWS SA ZAMBO CITY
- Published on January 31, 2026
- by @peoplesbalita
INARESTO ng Bureau of Immigration (BI) ang isang Chinese national na umano’y sangkot sa operasyon ng negosyo nang walang kaukulang dokumento sa isinagawang enforcement operation sa bayan ng Buug, Zamboanga del Sur.
Kinilala ang suspek na si Jianhong Liu, 52, Chinese national mula sa Jinjiang, China na naaresto sa isang komersyal na establisyemento sa Barangay Sampaguita matapos makumpirma ng mga awtoridad ang kanyang presensya at masuri ang kanyang immigration status. Ayon sa BI, si Liu ay nagsisilbing manager ng nasabing negosyo at aktibong nag-aasikaso ng mga kostumer sa oras ng operasyon.
Sa isinagawang beripikasyon, inamin ni Liu na wala sa kanyang pangangalaga ang kanyang pasaporte at sinabing ito ay nasa Maynila. Isang digital na kopya lamang ng data page ng kanyang pasaporte sa kanyang cellphone ang kanyang naipakita. Sa karagdagang pagsusuri, napag-alamang siya ay lumalabag sa mga umiiral na batas sa imigrasyon ng Pilipinas.
Ipinaalam kay Liu ang kanyang mga paglabag at ang kanyang mga karapatan sa wikang kanyang naiintindihan. Siya ay agad na dinala sa lokal na himpilan ng pulisya para sa wastong dokumentasyon at karagdagang proseso.
Binigyang-diin ni BI Commissioner Joel Anthony Viado na nananatiling mahigpit ang pamahalaan sa pagpapatupad ng mga regulasyon sa imigrasyon sa buong bansa.
“Malinaw ang direktiba ng Pangulo: bukas ang Pilipinas sa mga lehitimong dayuhang bisita at mamumuhunan, ngunit kinakailangang igalang ang ating mga batas sa lahat ng pagkakataon,” ani Viado.
“Ang mga dayuhang nagsasagawa ng aktibidad na lampas sa pinahihintulutan ng kanilang visa, o bigong magpakita ng balidong travel documents, ay pananagutin alinsunod sa batas.”
Dagdag pa ni Viado, patuloy na paiigtingin ng Bureau ang mga field operation, lalo na sa mga rehiyon, upang sugpuin ang ilegal na pagtatrabaho at iba pang paglabag na may kaugnayan sa imigrasyon.
“Ang mga enforcement action na ito ay layong protektahan ang mga manggagawang Pilipino, itaguyod ang rule of law, at mapanatili ang integridad ng ating immigration system,” aniya.
Muling nanawagan ang BI sa mga may-ari ng negosyo at mga dayuhang mamamayan na tiyakin ang ganap na pagsunod sa mga rekisito sa imigrasyon upang maiwasan ang multa, pag-aresto at posibleng deportasyon. (Gene Adsuara)