• October 20, 2025 WordPress timezone: Asia/Manila
    Current date: October 20, 2025
    Current time: October 20, 2025 8:12 AM

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Chairman Goitia: Buong Suporta kay PBBM sa Laban Kontra Korapsyon

SUPORTADO ni Dr. Jose Antonio Goitia, Chairman Emeritus si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa kanyang kampanya laban sa korapsyon hindi lamang sa usaping pampulitika kundi isang moral at pambansang tungkulin.
“Ang panawagan ni Pangulong Marcos na wakasan ang korapsyon ay hindi lang tungkol sa pagpaparusa sa mga tiwali. Ito ay para ibalik ang dangal ng sambayanang Pilipino at matiyak na bawat pisong mula sa kaban ng bayan ay tunay na nakikinabang ang taumbayan,” ani Goitia.
Kaugnay nito, isang Anti- Corruption Peace Rally ang isasagawa ng September Twenty-One People’s Movement Against Corruption nitong Setyembre 21, 2025, kung saan layon nito na ipakita ang suporta kay PBBMsa paglaban sa katiwalian at papanagutin ang lahat ng nasa likod ng mga palpak at “ghost” flood control projects.
“Hindi matatanggap ng taumbayan ang mga proyektong nasa papel lamang, mga kontratang pinalobo ang halaga, at mga pulitikong kumikita mula sa pawis ng bayan. Sobra na, tama na at panahon na para lumaban!” giit ni Goitia
Binanggit din ni Goitia na mahalaga ang pamumuno ni Pangulong Marcos sa pagbuwag ng sistematikong korapsyon na matagal nang pumipigil sa kaunlaran ng bansa.
“Kasama naming tumitindig ang Pangulo dahil ang laban na ito ay para sa bawat manggagawa, magsasaka, at mangingisdang Pilipino na araw-araw nagpapakahirap para itaguyod ang bayan. Ang pagsuporta sa Pangulo ay pagsuporta sa kinabukasan kung saan ang mga lider ay may pananagutan at ang yaman ng bayan ay tunay na ilalaan para sa pag-unlad,” dagdag niya.
Kabilang sa mga dadalo ang FDNY Movement, Alyansa Bantay Kapayapaan at Demokrasya (ABKD), Liga Independencia (LIPI), People’s Alliance for Democracy and Reforms (PADERngDemokrasya), mga kabataan, artista, samahang sibiko, at iba pang organisasyon sa komunidad kung saan panawagan ni Goitia sa lahat ng Pilipino na makiisa sa kilusang ito ng pag-asa at pagkilos.
Nilinaw ni Goitia na katuwang sila ng Pangulo, ng sambayanang Pilipino, at sa paglaban sa lahat ng anyo ng korapsyon.  (Gene Adsuara)