CCPS, NPD pinuri ni Mayor Malapitan sa pagkakalansag sa shabu lab sa Caloocan
- Published on January 26, 2026
- by @peoplesbalita
PINURI ni Caloocan Mayor Dale Gonzalo “Along” Malapitan ang Caloocan City Police Station at Northern Police District (NPD) sa mabilis at mahusay na pagsasagawa ng operasyon na nagresulta sa pagkakalansag sa isang shabu laboratory sa Caloocan City, Sabado ng umaga.
Sa ulat ni CCPS Chief P/Col. Joey Goforth kay NPD Acting Director P/BGen. Christopher Dela Cruz, nagreklamo ang mga kapitbahay ng babaeng may-ari ng bahay sa masangsang na amoy kaya nag-report ang ginang sa pulisya sa hinalang ginagawang shabu lab ng umuupa ang kanyang bahay.
Bitbit ang search warrant na inilabas ni Caloocan Regional Trial Court (RTC) Vice Executive Judge Rodolfo P. Azucena, Jr. ng Branch 125, na may petsang Enero 23, 2026, sinalakay ng pinagsamang puwersa ng SDEU sa pangunguna ni P/Lt. Restie Mables, Intelligence Section, SWAT at SS13 ng Caloocan CPS sa pangunguna ni Col. Goforth, kasama ang NPD-DDEU ang nasabing bahay sa Phase 8B, Renters Excess Lot, Bagong Silang, Brgy. 176-D dakong alas-8:16 ng umaga.
Hindi na naabutan ng pulisya ang suspek na si alyas “Jessie” na umuupa sa nasabing bahay matapos umanong makatunog at maghakot tangay ang iba pang malalaking gamit sa laboratoryo.
Tumambad naman sa mga pulis sa loob ng bahay ang dalawang container na may lamang tinatayang 20-litro ng Phenylocetone. isang liquid chemical na paggawa ng shabu na tumitimbang ng 16.95 kilo na tinatayang aabot sa halagang P10,000,500.00.
Nasamsam rin sa loob ang iba pang mga gamit sa paggawa ng shabu tulad ng laboratory-grade glass na may kapasidad na 20,000ml, dalawang electric laboratory heating mantle, isang stainless na laboratory heating at mixing base unit, machine type na may buton, at iba pang paraphernalia sa paggawa ng shabu.
Napasugod naman sa lugar sina Mayor Along at 1st District Congressman Oca Malapitan nang malamang may shabu laboratory sa lugar at iniutos ang malawakang pagtugis sa suspek at malalimang pagsisiyasat upang matukoy ang iba pang mga kasabuwat nito.
Binigyang-diin ng alkalde na ang kalakalan ng iligal na droga ay walang lugar sa lungsod, para sa kapakinabangan ng mga nasasakupan nito lalo na ng mga kabataan.
“Maraming-maraming salamat po sa CCPS sa patuloy na pagtulong sa atin na linisin ang anumang uri ng krimen sa mga komunidad, lalong-lalo na ang lahat ng mga may kinalaman sa illegal na droga,” pahayag ni Mayor Along.
“Uulitin ko, wala pong puwang sa ating lungsod ang presensya ng droga, at paiiralin natin ang buong pangil ng batas laban sa mga nagtatangka pa rin na ipalaganap ito sa lungsod dahil ang prayoridad natin palagi, ang kaligtasan at kinabukasan ng mga Batang Kankaloo,” giit niya. (Richard Mesa)