Cavite Rep. Francisco “Kiko” Barzaga, handang harapin ang reklamong posibleng isampa sa kanya
- Published on September 17, 2025
- by @peoplesbalita
HANDANG harapin ni Cavite Rep. Francisco “Kiko” Barzaga ang reklamong posibleng isampa sa kanya sa House Committee on Ethics and Privileges ng National Unity Party (NUP) dahil sa mga kilos na umano’y sumisira sa dangal ng kamara at sumisira sa tiwala ng publiko sa mga demokratikong institusyon.
Pahayag ito ng mambabatas sa sinabi ni National Unity Party Chairperson Ronaldo Puno na posibleng paglabag sa House Code of Conduct, Code of Conduct and Ethical Standards for Public Officials and Employees, dahil sa ilang ginawa nito.
Kabilang na dito ang ilang litrato na ipinost ni Barzaga sa social media na nagtataglay umano ng “lewd content” tulad ng litratong ng mambabatas na may kasamang mga babaeng nakasuot ng bikini at paglalagay ng pera sa mga ito.
Dagdag nito, nagtungo si Barzaga sa opisina ni House Majority Leader at Presidential son Sandro Marcos at inihayag ang planong pagtakbo sa pagka-Speaker.
Nagbitiw si Barzaga mula sa NUP at House majority noong nakalipas na linggo matapos maakusahan na bahagi umano ng ouster plot laban kay Speaker Ferdinan Martin Romualdez, na kanyang itinanggi.
Ang NUP ay binubuo ng 43 miyembro sa House of Representatives, na ginagawa itong ikalawang pinakamalaking partidong politikal sa Kamara.
(Vina de Guzman)