• January 15, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Cash aid distribution ng DSWD ititigil

TAHASANG sinabi ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na ititigil ang pamamahagi ng cash aid sakaling may ‘epal’ na pulitiko na magge-‘gatecrash’ sa lugar na pagdarausan.
Ayon kay DSWD Secretary Rex Gatchalian, hindi niya papupuntahin ang kanyang paymaster sa lugar kung may mga nakaabang na pulitiko na makikisawsaw sa distribusyon.
“We have the option to stop. Kapag nag-gate crash, we can stop pero wag na natin paabutin sa ganun,” sabi nito.
Gayunman, bagama’t aminado si Gatchalian na ipinagbabawal ang partisipasyon o pakikialam ng mga pulitiko sa pamamahagi ng cash aid, wala namang malinaw na batas o parusa na maaaring ipataw sa mga ‘epalitiko’.
Nasa kamay naman aniya ng mga mambabatas kung ano ang dapat na ipataw na parusa sa mga ‘credit grabbing officials’.
Una nang sinabi ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. na hindi maaaring, gamitin ng mga pulitiko ang anumang cash aid distribution upang ‘magpabango’.
Ani Gatchalian, kapangyarihan ng DSWD na pigilan ang anumang gagawing pamamahagi ng tulong ng ahensiya kung may mga lilitaw na ‘epalitiko’ sa distribution sites.
Ang hakbang aniya ay bilang pagtalima sa kautusan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na huwag gagamitin ng mga politiko ang anumang gagawing financial aid o anumang tulong mula sa pamahalaan.