• October 20, 2025 WordPress timezone: Asia/Manila
    Current date: October 20, 2025
    Current time: October 20, 2025 11:00 PM

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Caloocan LGU, nagbigay ng libreng medical at legal services sa mga PDL

NAGBIGAY ang Pamahalaang Lungsod ng Caloocan ng mga libreng medical at legal services para sa mga Persons Deprived of Liberty (PDL) ng Caloocan City Jail.

Umabot sa 150 PDL ang nakinabang ng libreng dental at dermatological health services na isinagawa ng City Health Department (CHD) at ng Caloocan City Medical Center (CCMC), kabilang ang mga konsultasyon at libreng gamut na layuning protektahan at ihanda ang pisikal na kagalingan ng mga bilanggo, lalo na laban sa mga komplikasyon ngayong tag-init.

Nagpasalamat sa mga tauhan ng kulungan at city health workers para sa matagumpay na inisyatiba si Mayor Dale Gonzalo “Along” Malapitan at muling iginiit na ang kanyang administrasyon ay nananatiling matatag sa pagtiyak na ang hustisya at karapatang pantao ay lubos na napoprotektahan.

“Lubos tayong nagpapasalamat sa lahat ng mga tumutulong sa ating pamahalaang lungsod na bigyan ng kalinga ang ating mga PDL. Batid po natin na kasalukuyan man po silang naka-detain ngayon dahil sa kanilang mga kinakaharap, pinahahalagahan pa rin po natin ang kanilang mga karapatan at kalusugan bilang mga mamamayan,” ani Mayor Along.

“Pantay-pantay na pangangalaga po para sa ating mga mamamayan ang lagi nating tinitignan, ngunit tinitiyak din natin ang kapakanan at kalusugan ng mga nasa vulnerable sectors ang mas nabibigyan natin ng prayoridad matugunan ang kanilang mga pangangailangan,” dagdag niya.

Samantala, nagbigay din ang pamahalaang lungsod sa pamamagitan ng City Legal Department (CLD) ng libreng serbisyong legal sa mga babaeng PDL bilang bahagi ng pagdiriwang ng Pambansang Buwan ng Kababaihan.

Bukod dito, nakatanggap din sila ng food packs at hygiene kits.

“Pinasasalamatan ko po ang mga abogado natin mula sa CLD sa pangunguna sa isang makabuluhang aktibidad na nagbibigay ng pag-asa para sa ating mga kababayan lalo na ngayon na ipinagdiriwang natin ang Buwan ng Kababaihan,” pahayag ng alkalde. (Richard Mesa)