• October 22, 2025 WordPress timezone: Asia/Manila
    Current date: October 22, 2025
    Current time: October 22, 2025 2:27 PM

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Caloocan LGU, magbibigay ng mahigit 10K tablets, 1,500 laptops sa mga pampublikong paaralan 

AABOT 10,000 smart tablets at 1,500 bagong laptops ang ipamamahagi ng Pamahalaang Lungsod ng Caloocan upang tulungan ang mga mag-aaral at mga guro sa pampublikong paaralan na umangkop sa hamon ng mga bagong paraan ng pagkatuto para mapadali ang mahusay at epektibong paghahatid ng mga aralin at iba pang aktibidad na nauugnay sa paaralan.
Ang mga tablet at laptop ay ipagkakaloob nang maramihan sa Schools Division Office (SDO), na siyang magbibigay ng nasabing gadgets sa kani-kanilang mga benepisyaryo.
Sinabi ni Mayor Dale Gonzalo “Along” Malapitan na patuloy uunahin ng pamahalaang lungsod ang digitalization ng educational programs upang mabigyan ng mas maraming pagkakataon ang mga paaralan na matugunan ang mga indibidwal na pangangailangan sa pag-aaral ng kanilang mga mag-aaral.
“May 260,960 na mag-aaral po tayo ngayong taon at pangalawa po ang Caloocan sa may pinakamaraming mag-aaral sa Metro Manila kung kaya’t aminado po tayo na marami pa tayong kailangang ayusin sa sektor ng edukasyon. Ngunit ang mahalaga ay tuloy-tuloy po tayo sa ating pagsisikap na bigyan ng mga modernong kagamitan ang ating mga mag-aaral sa Caloocan,” aniya.
“Inuna natin na magkaroon ng disenteng silid-aralan at pasilidad ang ating mga mag-aaral, ngayon kasama sa ating prayoridad na dagdagan pa ang mga gadget, IT equipment, at mga smart classroom at laboratory upang matulungan ang mga mag-aaral na makasabay sa makabagong panahon,” dagdag niya.
Ang target ng petsa ng pamamahagi ng mga tablet at laptop sa mga beneficiary-school ay sa katapusan ng taong ito. (Richard Mesa)