CALOOCAN LGU, INILUNSAD ANG CAR-FREE SUNDAY PROGRAM PARA SA MGA JOGGERS, CYCLISTS
- Published on March 9, 2026
- by @peoplesbalita
ISASARA ng Pamahalaang Lungsod ng Caloocan ang kahabaan ng 9th Street, Grace Park East, Caloocan City – South sa mga motorista tuwing Linggo mula 5:00 pm hanggang 11:00 pm para bigyang-daan ang mga joggers, cyclists, at iba pang fitness enthusiasts simula Marso 2026.
Ang programang Car-Free Sundays ay sinusuportahan ng City Ordinance No. 1158, Series of 2025 kung saan pinapayuhan ang mga motorista na dumaan sa mga alternatibong ruta sa panahon ng pansamantalang pagsasara ng kalsada.
Malugod na tinanggap ni Mayor Dale Gonzalo “Along” Malapitan ang buong pagpapatupad ng ordinansa ng lungsod at sinabi nito na isa ito sa mga paraan ng lokal na pamahalaan upang isulong ang wellness at isang malusog na pamumuhay sa mga nasasakupan nito, at upang ipakilala ang mas maraming open space sa lungsod.
“Bukod sa pagpapalakas ng ating mga ospital at pagpapaganda ng ating health services, malaking bagay din sa pangangalaga ng kalusugan ng mga mamamayan na nabibigyan sila ng oportunidad na gumalaw at makapag-ehersisyo,” ani Mayor Along.
“Dumarami na rin po ang joggers, runners, cyclists, at kahit skaters dito sa Caloocan kaya tuloy-tuloy po kami sa pagbubukas ng mga parke at espasyo para magawa nila ang kanilang mga aktibidad sa ligtas na lugar,” dagdag niya.
Sinabi rin ng alkalde na ang inisyatiba ay naaayon sa layunin ng pamahalaang lungsod na ibalik sa mga tao ang mga lansangan at pampublikong lugar sa halip na mga sasakyan.
“Ang mga lansangan ng Caloocan ay para sa tao at hindi sa mga sasakyan. We will keep working to give the public more safe and open spaces for their activities, at pagsusumikapan nating gawing walkable city ang Lungsod ng Caloocan,” giit ni Mayor Along. (Richard Mesa)