Caloocan City Medical Center, nakatanggap ng hall of fame status mula sa DOH
- Published on September 1, 2025
- by @peoplesbalita
KABILANG ang Caloocan City Medical Center (CCMC) sa 35 hospitals na binigyan ng Hall of Fame recognition ng Department of Health (DOH), sa ilalim ng Mother-Baby Friendly Hospital Initiative (MBFHI), para sa mahusay at pagsunod nito bilang Breastfeeding Hospital na may Early Rooming-in.
Ito ang unang pagkakataon na iginawad ng DOH ang Hall of Fame status, na ibinibigay sa mga kinikilalang partner na ospital na sumasailalim sa matagumpay na accreditation sa ilalim ng MBFHI sa tatlong magkakasunod na beses kada tatlong taon.
Binati ni Mayor Dale Gonzalo “Along” Malapitan ang CCMC at binigyang-diin na patuloy na i-upgrade ng pamahalaang lungsod ang mga pasilidad at serbisyo ng mga ospital sa Caloocan upang maayos na matugunan ang mga pangangailangan ng mga nasasakupan.
“Ang pagkilala sa CCMC bilang isa sa mga Hall of Famers ng DOH ay patunay lang ng pagkilos ng pamahalaang lungsod para tiyakin ang kalusugan ng mga mamamayan mula sa sinapupunan hanggang pagtanda,” pahayag ni Mayor Along.
“Mas palalakasin pa natin ang mga serbisyo at dadagdagan ang world-class facilities ng ating mga ospital at community health centers nang sa gayon ay mabawasan ang alalahanin ng mga Batang Kankaloo sa kalusugan ng kanilang mga pamilya,” dagdag niya. (Richard Mesa)