BUWANANG SIMULATION EXERCISE SA MGA PUBLIC SCHOOLS, IPINAG-UTOS NI ISKO
- Published on June 12, 2026
- by Francis Paolo Torres
INATASAN ni Manila Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso” ang lahat ng pampublikong elementarya at high school—kasama ang mga city university na Pamantasan ng Lungsod ng Maynila o PLM at Universidad de Manila o UdM—na magsagawa ng earthquake simulation exercises isang beses kada buwan sa loob ng school year.
Iminungkahi ni Domagoso ang resolusyon na ipinasa ng Manila City Risk Reductin and Management Council o MCDRRMC na kanyang pinamumunuan sa pagpupulong ng konseho Miyerkules ng hapon, June 10, dahil sa banta ng “The Big One” sa Metro Manila at sa pangangailangan na mabuo ang muscle memory ng mga estudyante, lalo na ng mga mas bata.
“There’s still a threat in Metro Manila with regard to ‘The Big One,'” sabi ng Mayor. “If we create some level of muscle memory for our students, especially yung mga bagong mag-aaral—Grade 1, Kinder—kailangan lang maging pamilyar sila na merong ganung activity every month,” dagdag niya.
Hindi kailangang sabay-sabay isagawa ang drills sa lahat ng 104 na paaralan—maaaring pumili ang bawat paaralan ng sarili nitong petsa sa loob ng buwan, basta’t isagawa ang exercise sa oras ng klase.
Inuutusan ng resolusyon ang Schools Division Superintendent ng Maynila na si Dr. Sheryll T. Gayola na bigyan ng kopya para sa tamang gabay at implementasyon.
Nanawagan din si Domagoso sa mga national agency partners ng konseho na tumulong sa pagsasagawa ng simulation exercises, kabilang ang pag-test ng bagong kagamitan tulad ng heat-seeking drone ng lungsod.
Bukod dito, sinabi ng alkalde na nagsimula na noong Lunes ang inspeksyon sa mga lumang school building at government structures, at ang mga ulat ay isusumite kay Manila CDRRM Department chief Arnel Angeles para sa evaluation. Nananatili namang naka-standby ang Maynila sakaling kailanganin ng tulong ng mga apektadong ahensya sa Mindanao. (Gene Adsuara)